ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | January 06, 2022
Bago pa man dumating sa Pilipinas ang bagong variant ng COVID-19 na Omicron, ilang beses na tayong nagbigay-babala hinggil sa ibayong pag-iingat upang hindi na sana pumasok at kumalat ang Omicron. Ngunit heto na, bumulusok na naman ang bilang ng mga infected ng bagong uri ng COVID-19 na inilagay na naman sa Alert Level 3 ang Metro Manila sa loob ng dalawang linggo.
At bakit? Una sa lahat, nakalulungkot na naging tila sakim at walang pakialam para sa kapakanan ng nakararami ang ilang Pinoy na nagbalikbayan. Nakagugulat na may “nakakatakas” na pala mula sa mandatory quarantine paglapag sa bansa at dumidiretso sa pakikipaghalubilo sa labas.
Ngunit huli na ang lahat para magpataw ng sisi, bagkus ay maging aral na hindi pa talaga tapos ang laban sa COVID-19. Kailangan ng mas matinding kamay na bakal sa pag-iimplementa ng mga batas sa pagsupil ng virus.
At ngayong narito na ang masamang balita, hayaan ninyong ipaalala ulit natin sa inyo ang mga guidelines at protocol na naglalayong itigil ang pag-akyat ng bilang ng mga maysakit.
Mga gabay para sa mga lugar na nasa Alert Level 3:
1. Ang intrazonal at interzonal na paggalaw ay pinapahintulatan. Gayunman, maaaring magpataw ang mga LGUs ng iba pang uri ng paghihigpit na hindi naman dapat mas mahigpit sa ilalim ng mas mataas na antas ng alerto. Sa kondisyong ito, ang mga wala pang 18 taong gulang, at ang mga kabilang sa may comorbidities ay dapat pahintulutang makakuha ng “essential” o mahahalagang produkto at serbisyo, o magtrabaho sa mga pinahihintulutang industriya at tanggapan alinsunod sa mga umiiral na batas, tuntunin at regulasyon sa paggawa.
2. Ang indibidwal na pag-eehersisyo sa labas ng bahay ay pinapayagan din para sa lahat ng edad anuman ang comorbidities o katayuan ng pagbabakuna.
3. Ang mga sumusunod na establisimyento at/o aktibidad ay nailalarawang may mas mataas na panganib sa pagkalat ng virus kung kaya’t hindi maaaring pahintulutan sa ilalim ng Alert Level.
a. Harapan o personal na mga klase para sa pangunahing edukasyon, maliban sa mga iyon naunang inaprubahan ng IATF at/o ng Opisina ng Pangulo;
b. Contact sports, maliban sa mga isinasagawa sa ilalim ng isang bubble-type na setup sa ilalim ng mga nauugnay na alituntuning pinagtibay ng IATF, mga laro at amusement board, at Philippine Sports Commission, at inaprubahan ng LGU kung saan gaganapin ang mga naturang laro;
c. Mga perya at libangan ng mha bata tulad ng mga palaruan, playroom, at kiddie rides;
d.Mga lugar na may kumakanta o gumagamit ng mga wind-instrument tulad ng trompeta, at may live audience, tulad ng sa mga karaoke bar, club, at teatro;
e. Mga casino, karera ng kabayo, sabong at operasyon ng mga sabungan, lottery at tayaan, at iba pang establisimyento sa paglalaro maliban kung maaari pinahintulutan ng IATF o ng Tanggapan ng Pangulo; at
f. Mga pagtitipon sa tirahan na may mga indibidwal na hindi kabilang sa pareho sambahayan.
4. Ang mga sumusunod na establisimyento, o aktibidad ay dapat payagan basta nakasunod sa maximum na 30% na kapasidad lamang at para sa mga nabakunahang indibidwal lamang, at 50% na kapasidad sa labas ng lugar. Ngunit dapat lahat ng empleyado ng mga establisimyento ay ganap na nabakunahan laban sa COVID-19.
a. Mga lugar para sa mga pagpupulong, komperensiya at eksibisyon;
b. Mga pinahihintulutang lugar para sa mga kaganapan, tulad ng mga party, kasalan, kasal, birthday party, family reunion;
c. Mga atraksiyong-panturista tulad ng mga library, museo, gallery, eksibit, parke, plaza, pampublikong hardin, magagandang tanawin o tinatanaw;
d. Mga amusement park o theme park;
e. Mga lugar ng libangan, tulad ng mga internet cafe, bilyaran, amusement arcade,
f. Mga sinehan; bowling alley, skating rink, swimming pool at katulad na mga lugar;
g. Limitado ang harapan o face-to-face classes para sa mas mataas na edukasyon at para sa teknikal-bokasyunal na edukasyon at pagsasanay;
h. Mga personal na pagtitipon sa relihiyon; mga pagtitipon para sa mga patay at libing para sa mga namatay sa mga sanhi maliban sa COVID-19;
i. Licensure o entrance/qualifying examinations na pinangangasiwaan ng kanilang kani-kanilang ahensiya ng gobyerno, at espesyal na eksaminasyong pinahintulutan ng IATF na napapailalim sa mga alituntuning pangkalusugan at pangkaligtasan, tulad ng inaprubahan ng IATF;
j. Mga serbisyong dine-in sa mga establisimyento sa paghahanda ng pagkain, tulad ng mga kiosk, commissary, restaurant at kainan;
k. Barberya, hair spa, hair salon, at mga nail spa, cosmetics, mga serbisyong pampaganda, tulad ng salon, spa, reflexology;
l. Mga fitness studio, gym, at venue para sa non-contact exercise at sports, basta suot pa rin ang facemask.
5. Ang mga ahensiya ng pamahalaan ay mananatiling ganap na operational at dapat sumunod sa hindi bababa sa 60% on-site na kapasidad habang naka-work-from-home.
Sana ay gawin natin ang lahat ng ating makakaya upang sugpuin ang pandemya, lalo na at may isa na namang lumabas na variant ng COVID-19 na nadiskubre na sa Israel na kung tawagin ay Florona.
Комментарии