by Info @Editorial | Nov. 1, 2024
Tuwing panahon ng Undas, dagsa ang mga biyahero at ang mga provincial bus driver ay nahaharap sa isang malaking responsibilidad.
Tungkulin nilang maihatid nang ligtas ang mga pasahero sa kani-kanilang lugar para mabisita ang mga yumaong mahal sa buhay.
Kaya nakapanlulumo ang mga ulat na may ilang bus driver na nagpopositibo sa droga, isang isyu na dapat talakayin nang masinsinan.
Ang paggamit ng droga ay isang matinding problema sa ating lipunan at nakakaapekto sa maraming aspeto ng buhay, lalo na sa kaligtasan sa kalsada.
Ang anumang uri ng pagkukulang sa kanilang kondisyon dahil sa droga, alak o iba pang masamang bagay ay maaaring magdulot ng panganib, hindi lamang sa kanilang sarili kundi pati na rin sa mga pasahero at sa ibang gumagamit ng kalsada.
Dahil dito, mahalagang itaas ang kamalayan tungkol sa mga programang pangkalusugan at rehabilitasyon para sa mga driver.
Ang mga kumpanya ng bus at mga ahensya ng gobyerno ay dapat magpatupad ng mas mahigpit na mga patakaran at pagsusuri upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Kailangang gawing regular ang drug testing hindi lamang sa mga bus driver kundi sa lahat ng drayber ng pampasaherong sasakyan.
Bukod dito, dapat magkaroon ng mas malawak na edukasyon at suporta para sa mga tsuper upang matulungan silang makaiwas sa mga bisyo at mapanatili ang kanilang kalusugan.
Comments