top of page
Search
BULGAR

Mga pumunta sa community pantry ni Angel, pinagko-COVID testing

ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 25, 2021



Hinikayat ng Quezon City Government na sumailalim sa libreng COVID-19 swab testing ang mga residente na pumunta sa inorganisang community pantry ni Angel Locsin kamakailan.


Ayon kay Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU) Chief Dr. Rolando Cruz, ang mga residenteng nakararanas ng mga sintomas ng COVID-19 katulad ng sipon at ubo ay maaaring magpa-book ng appointment online sa http://bit.ly/QCfreetest.


Maaari rin umanong kontakin ang mga numerong 8703-2759, 8703-4398, 0916-122-8628, 0908-639-8086, 0931-095-7737. Pahayag ni Cruz, “Hindi natin puwedeng isantabi ang posibilidad na nagkahawahan dahil sa dami ng dumalo. Mabuti nang makasiguro na hindi natin mahawahan ang ating pamilya at mga kasama sa komunidad.”


Sa community pantry ni Angel, dumagsa ang mga tao at nagkasiksikan. Aminado rin ang aktres na nalabag ang ilang COVID-19 health protocols dahil hindi umano makontrol ang mga tao. Nanawagan din ang CESU sa kampo ni Angel na makipag-coordinate sa city government upang mabilis na ma-identify at maisailalim sa testing at isolation ang mga residenteng makikitaan ng sintomas ng COVID-19.


Saad pa ni Cruz, “Our office will remain open for support from Ms. Locsin and her camp, considering the effort and cost of doing testing and contact tracing of those who participated in the community pantry. We hope to be furnished with any pertinent information that could aid us in immediately identifying, testing and isolating suspected COVID-19 cases.”


Nagpasalamat din naman si Mayor Joy Belmonte sa layunin ng proyekto ni Angel kasabay ng panawagan niya sa kampo ng aktres na tumulong sa pag-identify ng mga residenteng nakararanas ng sintomas ng COVID-19.


Pahayag ni Belmonte, “Nananawagan ako kay Angel na makiisa sa hakbang ng lungsod na matugunan ang posibleng pagkalat ng COVID-19 sa pamamagitan ng maagang pagtukoy sa mga bagong kaso, lalo na sa hanay ng mga nagpunta sa community pantry na kanyang inorganisa.”


Komentar


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page