ni Ryan Sison - @Boses | August 29, 2020
Kawalan ng plano ng gobyerno, palpak na contact tracing at mga pasaway na kababayan — ilan ang mga ito sa sinisisi ng ilan kaya patuloy ang pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa.
Gayunman, napag-alamang base sa datos ng Department of Health (DOH), 136,425 sa kabuuang bilang ng COVID cases o dalawa kada tatlong taong may COVID-19 ang nasa edad 20 hanggang 49 na pasok sa working age population.
Ayon sa mga labor group, mabilis ang pagkalat ng sakit sa trabaho dahil sa takot ng mga manggagawa na matulad sa mga may COVID na no work, no pay, gayundin, hindi nakatanggap ng ayuda mula sa gobyerno at kumpanyang pinapasukan.
May mga natatakot namang magdeklara ng sintomas o nararamdaman kahit delikado dahil tiyak na hindi sila papapasukin sa trabaho, kaya ang ending, walang kikitain. Gayundin, marami ang napipilitang kumayod dahil ubos na ang mga leave.
Nakakalungkot dahil nahaharap sa ganitong sitwasyon ang ordinaryong manggagawa. Tipong hindi naman talaga nila gustong magpasaway at malamang, takot din silang magkasakit, pero no choice kundi magtrabaho.
Para sa kanila, malaking kawalan ang isang araw na walang trabaho, kaya kung hindi papasok at magku-quarantine, gutom ang aabutin.
Babala naman ni Labor Secretary Silvestre Bello, responsibilidad ng mga employer na siguraduhing hindi papasok sa trabaho ang empleyadong may sintomas ng COVID-19.
Totoong marami ang walang choice kundi kumayod kahit nakararamdam na ng sintomas dahil para sa kanila, mas nakakatakot mamatay sa gutom kesa sa virus.
Panawagan sa mga kinauukulan, panahon na para sila naman ang ating saklolohan. Marami rin d’yan ang hindi nakatanggap ng ayuda kaya kailangan talaga ng alalay.
Bilang manggagawang may ambag sa ekonomiya — kontraktwual man o regular, manggagawa man ng publiko o pribadong sektor — sila ay may pangangailangan na dapat ding tugunan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com6
Comments