@Editorial | May 31 2021
Bukod sa samu’t saring gimik para mahikayat ang taumbayan na magpabakuna laban sa COVID-19, isa sa mga tinututukan na dapat naman ay ang pagpapalaganap ng impormasyon sa bakuna.
Wala pa ring mas epektib na paraan kundi ang maipaliwanag nang maayos at malinaw ang maidudulot ng pagpapaturok ng COVID-19 vaccine.
Kailangang maalis ang takot at duda ng taumbayan nang magtiwala sila hanggang sa matapos ang proseso. Napag-alamang may mga nagpaturok ng first dose ang hindi na nagsibalik para sa 2nd dose na kinakailangan upang makumpleto ang proteksyon labas sa COVID-19.
Bagama’t wala pang nabanggit na dahilan nang kanilang hindi pagbalik, isang bagay ang hindi natin maiwasang masabi... sayang.
Kaya bago pa masayang ang iba pang bakuna, sana’y mabigyang-pansin ito.
At doon pa rin tayo babagsak sa isyu ng paghahatid ng impormasyon tungkol sa bakuna, sa kahalagahan ng kumpletong proseso, ang mga side effects na puwedeng kinatatakutan ng iba kaya hindi na bumalik.
Sino ang dapat magpaliwanag ng mga bagay na ‘to? Walang iba kundi ang mga eksperto sa bakuna, sa COVID-19, sa kalusugan ng tao. Silang mga may kaalaman at karanasan.
Tumabi-tabi ang mga feeling experts, astang doktor, sa madaling salita, mga epal na imbes makatulong, nakadaragdag pa ng kalituhan at gulo.
Sa mga pulitikong epal o epalitiko, hindi kayo kaaaliwan kung gagamitin ang pagkakataon para makapagpapogi.
Guwag ninyong gamitin ang mga vaccine infomercials para sa inyong ambisyon dahil tiyak na isusuka lang kayo ng taumbayan.
Puwedeng may ilan kayong mauto pero, titak na mas marami ang maiinis at talagang papalagan kayo — mapapahiya at pupulutin lang kayo sa kangkungan.
Kaya panawagan sa publiko, bukod sa huwag magpadala sa mga epalitiko, ibulgar din ang mga istayl nilang bulok!
Kommentare