ni Gina Pleñago | July 5, 2020
Ipinagbunyi ng multi-sector group na Liga Independencia Pilipinas (LIPI) ang pagiging ganap na batas ng Anti-Terrorism Bill.
Naniniwala si LIPI Secretary General Jose Antonio ‘Ka Pep’ Goitia na mapoprotektahan ng batas ang mga Pilipino at ang bansa laban sa mga terorista.
Sinisigurado rin ni Goitia sa publiko na mayroong mga probisyon ang batas na mangangalaga kontra sa mga paglabag sa mga karapatang pantao.
“Ito ay isang batas na magpapalaya sa ating lahat sa banta ng lahat ng uri ng terorismo dito sa bansa. Ang mga humahadlang at ayaw dito ay nu’ng una pa man balakid at kritiko na sa mga magagandang plano ng Administrasyong Duterte para sa totoong pagbabago at ikabubuti ng lahat at hindi ng iilang sektor lamang ng lipunan. Kaya batid natin na hindi na bago ang kanilang pagtutol dito at ang iba naman ay nagsasawalang kibo lang sa magandang batas na naipasa dahil takot sila sa kahihinatnan ng kanilang pulitikal na ambisyon dahil nga sa tingin nila ay hindi ito popular sa ibang sektor na magagamit nila sa darating na halalan,” ani Goitia.
Ang Liga Independencia Pilipinas ay koalisyon na kinabibilangan ng 48 organisasyon mula sa iba’t ibàng panig ng bansa.
Comments