@Editorial | September 23, 2021
Habang abala ang mga opisyal ng gobyerno at pulitiko sa pagpaplano sa Halalan 2022, mukhang busy din ang mga sangkot sa ilegal na gawain sa gitna ng pandemya.
Kapansin-pansing talamak na naman ang bentahan at paggamit ng ilegal na droga, araw-araw ay may mga nahuhuli. Hindi lang basta droga na sachet, kundi bulto at napakalaking halaga.
Maraming buhay ang nalalagay na alanganin. Nariyan ang mga biktima ng iba’t ibang krimen na ang may kagagawan ay itong mga sabog sa ipinagbabawal na gamot.
Sa halip na bumabangon tayo mula sa krisis dulot ng COVID-19, nakadaragdag pa sa ating pagkakalugmok ang mga problema na kinasasangkutan ng drugs.
Hindi tuloy maiwasang magtanong ng publiko, ‘anyare?
Masyado bang na-focus ang lahat sa laban sa COVID o baka masyado nang nakatuon sa paparating na eleksiyon? Huwag naman sana.
Ito ang mahirap ‘pag maagang nagpaparamdam ang mga kandidato, partikular silang mga opisyal at empleyado pa ng gobyerno. Nakalilimot sa mga bagay na dapat pinagtutuunan nang pansin sa kasalukuyan.
Alalahanin, mahaba-haba pa ang panahon para kayo makilatis ng mga botante. Kung ngayon pa lang ay nakikita na nila kung gaano kayo katamad at katrapo, good luck sa 2022.
Commentaires