ni Ryan Sison @Boses | Feb. 1, 2025
Bukod sa pagbabantay at pagpapanatili ng kapayapaan sa tuwing eleksyon, may panibagong tungkulin na iniaatang para sa ating kapulisan.
Mahigit sa 7,000 pulis ang magsasanay upang maging handa na magserbisyo bilang mga backup poll worker sa darating na 2025 national and local elections (NLE), ayon ito sa Commission on Elections (Comelec).
Ito anang kagawaran, sakaling umatras ang mga guro bilang election registration board (ERB) members.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na maliban sa gagawin ng kapulisan na siguraduhing maayos at payapa ang halalan, sila rin ay tuturuan na gampanan ang mga hakbang na kailangang gawin sa voting process kung sakaling umupo sa mismong araw ng botohan.
Binigyang-diin ni Garcia na hindi ito ang unang pagkakataon na magsisilbi ang mga kapulisan bilang mga election board members.
Aniya, pinangunahan ng mga DOST-certified na PNP personnel ang botohan sa 175 clustered precincts sa Cotabato City noong 2022 election dahil lahat ng electoral members na nakatalaga sa bawat presinto ay umatras dala ng banta sa seguridad sa nasabing lungsod.
Binalaan naman ng opisyal ang mga magtatangkang takutin at pagbantaan ang mga electoral board members na magbabantay sa eleksyon. Giit ng Comelec chief, kung may susubok na gumawa ng hindi maganda sa mga nakatalagang miyembro ng electoral board sa araw ng eleksyon, nakahanda ang PNP sa anumang aberya at agad ding reresponde sa sitwasyon.
Hindi na bago para sa atin ang mga insidente na sa tuwing eleksyon ay may mga pagbabanta, pananakot at kaguluhan na nangyayari sa maraming lugar.
Kung minsan pa nga ay umaabot sa karahasan at patayan, lalo na sa mga lugar na itinuturing na ‘red category’ o areas of concern, kung saan may mga PNP namang nakatalaga roon para magbantay.
Subalit, hindi rin maiiwasan na may mga poll worker o guro na natatakot talaga at umaatras na bilang electoral board member.
Kaya naman kung sasanayin na bilang kapalit nila ang ating kapulisan kahit paano ay wala masyadong magiging problema at magtutuluy-tuloy ang botohan.
Paalala lang sana sa mga kababayang pulis na panatilihing tapat at magserbisyo nang maayos sa eleksyon. Huwag sanang matukso sa kahit anumang pabor o suhol sa kanila. Kumbaga, gawin nang tama ang trabaho at ipatupad ang batas.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments