Mga pulis sa komunidad tulong para iwas-krimen
- BULGAR
- Jun 21, 2024
- 1 min read
@Editorial | June 21, 2024

Kapansin-pansin na nagkalat na naman ang mga kriminal.
Halos araw-araw ay may nababalitang nagnakaw, nang-abuso o pumatay. Karamihan sa kanila, sinasabing nasa impluwensiya ng ilegal na droga.
Bilang tugon, ipinag-utos na ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapakalat ng mas maraming mga tauhan sa mga komunidad.
Ito ay upang palakasin pa ang kampanya laban sa mga krimen.
Inatasan na ang mga regional, provincial, city, at municipal police na palakasin ang kanilang kampanya laban sa kriminalidad sa ground level tulad ng Oplan Galugad, Oplan Sita, at patrol operations.
Naniniwala rin tayo na ang presensya ng mga pulis sa komunidad ay tiyak na makatutulong para masigurong ligtas ang mamamayan.
Tulad sa mga guro, tama lang din na bawasan ang mga office o clerical work ng mga pulis upang lalo pang maging aktibo sa kanilang field duties.
Bukod sa mababantayan ang kaligtasan ng mga mamamayan, mabubuo rin ang tiwala at suporta ng publiko sa kapulisan.
Kaya sa atin namang nasa komunidad, makiisa sa ‘heightened police presence’ upang mabilis na makatugon sa mga krimen at anumang pangangailangan natin.
Huwag nating hayaan na malayang gumagala ang mga kriminal at nag-aabang ng mabibiktima. Sila ang dapat na bantay-sarado para hindi makalusot.
Comments