top of page
Search
BULGAR

Mga pulis na ‘kamote riders’, tuluyan!

@Editorial | September 02, 2021



Viral ang video ng dalawang riders na sinasabing pulis habang nagsasagawa ng motorcycle stunts sa Zambales.


Makikita sa video ang dalawa na nasa magkahiwalay na motor, habang umaandar ay tumatayo, hindi nakahawak sa manibela, pakaway-kaway, ‘yung isa ay nasa isang side lang ang mga paa at sumasalubong pa sa kabilang linya.


Bukod sa ito’y malinaw na paglabag sa batas-trapiko, inilagay pa nila sa panganib ang kanilang buhay at ang buhay ng mga motorista at nasa kalsada. Isang halimbawa ng ‘kamote riders’ na hindi dapat tularan.


Kung trip pala nilang mag-exibition nang naka-motor, sana’y sa tamang lugar nila ito ginawa at hindi sa pampublikong kalsada. Hindi na nila naisip na maaari silang magdulot ng aksidente na ikapapahamak pa ng iba. Naturingang mga alagad ng batas, pasimuno sa pagpapasaway.


Hindi dapat palampasin ang ganyang pagpapabaya. Kailangang matukoy agad at mapatawan ng parusa para hindi na umulit at pamarisan pa.


Palaging paalala, hindi lang sa mga nagmo-motor kundi sa lahat ng drayber, bago sumakay ng sasakyan, ihanda ang sarili, magbaon ng disiplina, pasensiya, respeto at higit sa lahat common sense. Ang simpleng pagsunod sa batas-trapiko ay malaking bagay para mapangalagaan ang kaligtasan ng sarili, ng kasama sa sasakyan at ng mga kapwa motorista. Buhay ang nasa kalsada, huwag natin hayaang malagay sa alanganin dahil sa maling pag-iisip.


Sa mga kamote riders/drivers d’yan, magbago na kayo. Kung hindi n’yo kayang maging matino sa kalsada, mag-commute kayo!

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page