ni Maestro Honorio Ong @Forecast | April 18, 2023
Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Dog o Aso ngayong 2023 o Year of the Water Rabbit.
Ang Aso o Dog ay silang mga isinilang noong taong 1922, 1934, 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006, 2018, at 2030.
Sa career at hanapbuhay, bagay na bagay sa isang Aso ang propesyong may kaugnayan sa lawyer, labor leader, union organizers, social worker at iba pang mga gawaing may kaugnayan sa lipunan. Ang mga naturang propesyon ay sadyang ikakatagumpay at ikaliligaya ng Aso habang kanyang inaaturga ang mga gawaing ito. Dahil sa taglay na pagiging mabuti at prayoridad ang moralidad, ang mga Aso ay sinasabing pangunahing kandidato rin sa pagiging bayani, martir at santo, na kadalasang binabaril sa Luneta o pinapako sa krus nang hindi naman niya talaga sinasadya.
Sa pakikipagrelasyon at pakikisalamuha sa pamilya, gustung-gusto ng Aso ang pagiging independent o malaya. Kaya kadalasan, hindi mo siya matatagpuan sa bahay, sa halip, ang ikinaliligaya niya nang tunay ang maglakbay at mamasyal sa magaganda at kaakit-akit na lugar, lalo na ang mga lugar na malapit sa nature.
Sinasabing kapag umiibig ang isinilang sa Year of the Dog, sobra kung magmahal at minsan ay nagiging dahilan upang siya ay mabulag sa pag-ibig, magpaka-martir o magpakabayani, alang-alang sa kanyang minamahal.
Dagdag pa rito, bagama’t sobra kung magmahal, hindi naman siya masyadong showy, kaya ang pag-ibig niya, minsan ay hindi gaanong napapahalagahan ng kanyang minamahal dahil muli, hindi naman niya ito gaanong ipinapakita o ipinadarama. Dahil dito, pinaniniwalaan na kung magiging showy o demonstrative lamang ang Aso sa kanyang nararamdaman, lalo na sa kanyang minamahal, walang pagdududa na sa pakikipagrelasyon, mas madali niyang makakamit ang isang panghabambuhay na sarap at ligaya.
Sa pag-ibig, hindi siya mandaraya. Kumbaga, kung gaano nagiging tapat at totoo ang kanyang kasintahan, higit pa ru’n ang igaganti niyang pagmamahal sa naturang karelasyon. ‘Yun lamang, ang problema, baka hindi niya ito masyadong ipakita o ipadama sa kanyang kasintahan, kaya posibleng masayang lang din ang pagiging sobrang tapat at mapagmahal niya. Kaya kung ikaw ay isang Aso, dapat ay umpisahan mo na ngayong ipakita at ipadama ang pag-ibig at pagmamahal mo sa iyong kasuyo upang kapwa kayo masarapan at habambuhay na lumigaya.
Bagay na bagay naman sa Aso ang isang Tigre at Kabayo. Ang ganitong relasyon ay tiyak na magiging maligaya at panghabambuhay dahil pare-pareho silang tapat at masarap magmahal.
Bukod sa Tigre at Kabayo, tugma rin sa Aso ang Daga, Ahas, Unggoy, Baboy at kapwa niya Aso, ang ganitong relasyon ay babalutin naman ng walang kahulilip na lambingan, at sila rin ang itatala bilang masaya at panghabambuhay na magkakasama.
Habang, ang madalas namang matagpuang habambuhay na nagmamahalan at itinatala ang relasyon na walang iwanan ay ang Aso at Kuneho. Ang nangyayari, lihim na palang hinahangaan ng Kuneho ang Aso, at noon niya pa pinapangarap makasama, habang ang Aso naman ay hangang-hanga rin sa pagiging tahimik, pino at may malalim na pagkatao, pero matalino, laging mapag-isa at ambisyosong Kuneho.
Itutuloy
Comments