top of page
Search
BULGAR

Mga propesyon na swak sa Kabayo

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Pebrero 12, 2024


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.


Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Horse o Kabayo.


Ang Horse o Kabayo ay silang mga isinilang noong taong 1930, 1942, 1954, 1966, 1978, 1990, 2002, 2014 at 2026.


Isa sa pinakamasayang karanasan ng Kabayo ang paglalakbay at pamamasyal. Sa gawaing ito, tunay ngang higit silang nagtatagumpay.


Kaya naman pagdating sa career at sa larangan ng propesyon, bagay na bagay sa Kabayo ang mga gawaing kung saan-saan siya nadedestino, na-a-assign at napupunta.


Ang gawain iyon ay talaga namang hinahanap-hanap ng kanilang puso at katawan.


Karamihan sa mga Kabayo ay maagang umaalis sa poder ng kanilang pamilya o mga magulang, pagtumungtong sila sa kanilang pagbibinata at pagdadalaga ang gusto ng kanilang kaluluwa ay ang lumaya, magkaroon ng sariling diskarte at pamamaraan sa buhay.


Sa pakikisalamuha sa lipunan at sa pakikipag-ugnayan sa kanilang kapwa, sinasabing ang Kabayo ay masarap na kaibigan at masarap na kasama, ngunit hindi sila magaling sa pagbibigay ng advice o payo lalo na sa mga seryosong problema. Para sa mga Kabayo, ang buhay ay hindi naman dapat seryosohin. Sa halip, mas maganda umano kung itutuon ang ating isipan at karanasan sa paglalakwatsa at pagpapasarap ng buhay.


'Yan mismo ang summum bonum o the highest or ultimate good na nasa puso ng mga Kabayo.


At dahil nga masarap kasama ang Kabayo, masarap din silang maging kaibigan, tunay ngang magaling din silang magkuwento. Kaya naman karamihan sa mga Kabayo ay may malalaking grupo ng kaibigan, palabarkada, mahilig sa gimmick, outing, picnic, mountain climbing at pamamasyal.


Dahil dito, iniisip ng mga nakakakita sa kanila na bihira lang sa mga Kabayo ang nagpapahalaga sa salapi. Sa katunayan, hindi talaga sila nakakapag-ipon dahil mas pinapriyoridad nila ang mga bagay na may kaugnayan paglalakwatsa, gala, paglilibang at adventure hanggang sa hindi nila namamalayan na roon na pala napupunta ang malaking bahagi ng kanilang budget o buwanang kinikita.


Kaya naman, kapag hindi natutong mag-ipon ng pera ang mga Kabayo, walang duda, babagsak ang kanilang kabuhayan at magiging isa sila sa pinakakawawang hayop sa 12 animal signs na tila isang ulilang sisiw na sisiyap-siyap sa isang sulok, dahil sa hindi pagtatabi para sa kanilang future.


Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, sinasabing higit na ka-compatible ng isang Kabayo ang Tigre, Aso at Tupa. Sapagkat, lilimitahan ng Aso ang pagiging lakwatsera at lakwatsero ng isang Kabayo para matuon sa kanya ang atensyon ng Kabayo. Habang itutulak naman ng Tigre ang Kabayo upang lalo pang maging masaya at maligaya ang kanilang gagawing pamamasyal dahil ang hinahanap din ng puso ng isang Tigre ay ang pamamasyal.


Makakaramdam naman ng comfort ang Kabayo sa piling ng isang mabait, malabing, maasikaso at mapagmahal na Tupa.


Makakasumpong naman ng ganap na laya ang Kabayo sa piling ng isang Ahas, Unggoy, Kuneho, Baboy at Tandang. Kung saan, secondary compatibility ng Horse ang nasabing mga animal sign na pupuwede nilang makasama sa pagbuo ng isang masaya at panghabambuhay na pamilya.


Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang Bulgar upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024. 

Itutuloy…


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page