ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | July 23, 2023
Bukas, July 24, ay ilalahad ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA).
Ang mga programang magpapaangat sa kalagayan ng mga kababayan nating mahihirap ang gusto kong marinig sa SONA ng ating Pangulo, at sana ay walang maiiwan sa pagbangon ng ating ekonomiya.
Malaki ang naging epekto ng pandemya sa kabuhayan ng nakararaming Pilipino kaya dapat na tiyakin ang seguridad sa pagkain at paglikha ng mga trabaho.
Napakaimportante ang ilalaman sa tiyan ng ating mga kababayan para walang magutom na Pilipino.
Sinusuportahan natin ang mga programa ng kasalukuyang administrasyon lalo na ang para sa ikaaangat ng kalagayan sa buhay ng mahihirap nating kababayan at walang malalapitan maliban sa pamahalaan.
Isa na rito ang pagtatayo ng Regional Specialty Centers. Isa tayo sa may-akda ng naturang panukala at principal sponsor sa Senado. Pirma na lang ng Pangulo ang hinihintay natin para maging ganap na batas ito.
Multi-year plan ang pagpapatayo ng Regional Specialty Centers at kasama na roon ang pagpopondo. Kaya natin nais isabatas ito ay para hindi na maantala, at sa mga susunod na taon ay dapat na may pondo na.
Ang Regional Specialty Centers ay itatatag sa DOH regional hospitals sa buong bansa.
Ilalapit nito sa mga tao ang mga serbisyong gaya ng ipinagkakaloob ng Heart Center, Lung Center at ng National Kidney and Transplant Institute.
Ang Regional Specialty Centers Act ay isa sa health-related legislative agenda ng Marcos administration at kabilang sa Philippine Development Plan 2023 to 2028.
Isa itong paraan na ilapit natin ang serbisyo medikal sa ating mga kababayan, lalo na iyong mga higit na nangangailangan. Darating ang panahon na 'yung mga may sakit sa puso, halimbawa, ay hindi na kailangan pang pumunta sa Maynila para magpaopera sa Heart Center. Doon na lang sila pupunta sa DOH regional hospital kapag naitayo ang Regional Specialty Centers. 'Yun ang layunin nito — ang ilapit natin sa mga kababayan natin ang de-kalidad na serbisyong medikal.
Mahalaga rin na matulungan ang ating maliliit na negosyante dahil sila ang backbone ng ating ekonomiya. Para sa kanila ang Senate Bill No. 1594, o ang One Town One Product (OTOP) bill, na isa tayo sa may-akda at naging co-sponsor at pumasa na rin sa Senado.
Kapag naging ganap na batas, layunin nito na ma-institutionalize ang OTOP at magsilbing stimulus program para mahikayat ang paglago ng MSMEs sa buong bansa.
Inihain din natin ang Senate Bill No. SBN 1182, o ang panukalang Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery (GUIDE) Act. Kung makapasa at maging ganap na batas, layunin nito na mapalakas ang kakayahan ng government financial institutions na magkaloob ng tulong pinansyal sa MSMEs, at iba pang strategically important companies (SICs) na naapektuhan ng pandemya.
Masaya ko namang ibinabalita na noong July 20, ay idinaos at sinaksihan namin ng mga kapwa ko senador, sa pamumuno ni Senate President Juan Miguel Zubiri, at iba pang mga opisyal ang topping off ceremony ng New Senate Building sa Fort Bonifacio, Taguig. Ito na ang magiging bagong tahanan ng Senado kapag natapos.
Tuluy-tuloy naman ang aking tanggapan ngayong linggong ito sa paghahatid ng tulong sa mga kababayan nating nahaharap sa iba’t ibang krisis.
Maagap nating dinaluhan ang mga naging biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog gaya ng 419 sa Brgy. Kasangyangan, Zamboanga City; 299 sa Baganga, Davao Oriental; 2 sa Laak, Davao de Oro, at isa sa Maco, Davao Oriental.
Nagdaos tayo ng serye ng pamamahagi ng ayuda sa Batangas at napangiti natin ang 300 residente ng Batangas City katuwang sina Board Members Lydia Lopez, Maria Louise Gamo Vale at Jesus de Veyra; 100 sa San Juan katuwang si BM Melvin Vidal; 100 sa Lipa City katuwang si BM Aries Mendoza; at 100 sa Rosario katuwang si BM Jonas Patrick Gozos.
Hindi rin natin kinaligtaan ang mga taga-Nueva Ecija at nakapag-iwan tayo ng ngiti sa 364 benepisyaryo mula sa Llanera; at 166 sa Science City of Muñoz katuwang ang tanggapan ni Mayor Baby Alvarez.
Nakarating din tayo sa San Fernando, Pampanga at natulungan ang 16 na mahihirap na residente katuwang si Mayor Vilma Caluag.
Sa Quezon City, katuwang si Councilor Aiko Melendez ay naayudahan ang 168 mahihirap na residente ng Gulod.
May nasuportahan din na 100 sa Biñan, Laguna katuwang si Councilor Alvin Garcia.
Nagpapasalamat ako sa ating mga kababayan dahil kabilang tayo sa top performing senators batay sa isinagawang Pulso ng Pilipino nationwide survey ng The Issues and Advocacy Center (The CENTER) mula June 23 hanggang June 30, 2023.
Ako naman po ay nagtatrabaho lang at ibinabalik ko sa inyo ang tiwalang ipinagkaloob n'yo sa akin. Asahan po ninyo na patuloy kong gagampanan ang tungkuling ibinigay n'yo sa akin sa abot ng aking makakaya at kapasidad upang maihatid sa inyo ang mga serbisyo ng gobyerno.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comentários