top of page
Search
BULGAR

Mga programa para sa mga estudyante vs. learning loss

ni Ryan Sison @Boses | Nov. 6, 2024



Boses by Ryan Sison

Upang maiwasan ang tinatawag na learning loss, matapos ang mga nakalipas na mga bagyo, naglatag na ng mga bagong learning program ang Department of Education (DepEd).


Ito ang Dynamic Learning Program (DLP) na layuning matugunan ang pagkaantala ng mga klase dulot ng mga kalamidad at iba pang mga hamon, kung saan ilulunsad ng kagawaran ngayong buwan.


Sa isang pahayag, sinabi ni DepEd Secretary Sonny Angara na dadalhin nila ang resilience o katatagan sa puso ng pag-aaral, upang walang student’s education ang kailangang huminto kapag may mga hamong dumating.


Sa ilalim ng DLP, magbibigay sa mga apektadong paaralan ng kinakailangang flexibility para sa make-up classes, kabilang ang paggamit ng “simple at targeted” na mga activity sheet, pati na rin ang mga temporary learning spaces.


Gayundin, magsasagawa ng mga feature ng parallel classes, activity-based engagement, at students’ portfolios na may minimal homework loads.


Hinihikayat din ng naturang programa ang mga estudyante na pag-aralang mabuti ang mga aralin at hubugin ang kanilang essential skills tulad ng pagsusulat, problem-solving, at critical thinking.


Sisimulan naman ng DepEd ang pilot implementation ng DLP ngayong November sa mga iskul na naapektuhan ng bagyo gaya ng Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) Bicol Region at Cordillera Administrative Region (CAR).


Ginawa ng kagawaran ang inisyatibang ito matapos ang ilang linggong class suspension sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil sa mga magkakasunod na bagyo.


Sa naging pinsala naman sa imprastruktura nasa P396 milyong halaga ang kailangan para sa reconstruction at major repairs ng hindi bababa sa 113 totally damaged classrooms at 227 partially damaged classrooms, hindi pa kasama ang mga nasirang palikuran, wash facilities, furniture, at computer equipment, at iba pa, batay sa mga report.


Tama lang ang desisyon ng kinauukulan na magkaroon ng mga programa na makakatulong sa mga mag-aaral para makabawi sa mga nawalang oras ng kanilang pag-aaral.


Marami kasi ang nasayang na panahon nila na hindi naman natin masisisi, na ang tanging dahilan ay ang mga nagdaang bagyo.


Pero kung isasagawa ang bagong learning program na ito, pasasaan ba at madaling makakasunod ang mga estudyante, kung saan mapupunan ang gap sa kanilang pag-aaral.


Kumbaga, agad silang makakabangon sa krisis na ito na dumaan dahil sa kalamidad.


Hiling lang natin sa kinauukulan na sana ay mag-isip pa ng mga paraan na makatutugon sa anumang hamon na dumating sa ating mga estudyante para naman magtuluy-tuloy na talaga ang kanilang pagkatuto at hindi sila mapag-iwanan sa pag-aaral.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page