ni Mylene Alfonso @News | August 9, 2023
Posibleng umabot sa P300,000 kada araw ang halaga ng kabuuang money remittance transactions sa New Bilibid Prison.
Ito ang inihayag ng isang Molly Avejar, negosyante na humahawak ng mga transaksyon sa e-wallet.
Sa isinagawang pagdinig kahapon ng Senate Committee on Justice and Human Rights sa Bilibid, sinabi ni Avejar na iba-iba ang halaga ng remittances kada araw at kadalasang mababa kapag weekend.
“Wala pong definite, your honor. Meron pong umaabot po ng P300,000 sa isang araw po. Minsan po P50,000 to P70,000,” tugon ng babaeng negosyante kay Senador Francis Tolentino, chairman ng komite.
Sinabi rin ni Avejar na naniningil siya ng tatlong porsyento mula sa kabuuang remittance at kumikita siya ng hanggang P9,000 sa isang araw.
“Hindi po ako nagbabawas sa P500 and below, hindi po ako nagbabawas. Minsan may nagpapadala P100, P200, dinadagdagan ko na lang po kasi ano pong mabibili nila sa P100, P200, your honor?” aniya pa.
Ang pera aniya ay nanggagaling mismo sa mga pamilya ng persons deprived of liberty (PDLs) o bilanggo, na tatawagan siya sa alinmang limang mobile number niya.
Matapos nito ay ibibigay niya ang mga pera sa isang pinagkakatiwalaang bilanggo, na siyang bahala sa pamamahagi nito sa mga PDL.
Dagdag pa ni Avejar, isang dating PDL sa Correctional Institution for Women (CIW), na naisip niya ang negosyo dahil sa kanyang karanasan sa CIW na isang pasilidad ng Bureau of Corrections sa Mandaluyong.
Comments