@Editorial | April 21, 2021
Buong mundo ay naghahanap, nag-aaral at gumagawa ng paraan kung paano tuluyang matatapatan ang COVID-19.
Nagpapatuloy ang pagtuklas ng mga bakuna at gamot na sagot sa pamdemyang ito.
Bagama’t limitado ang kakayanan ng Pilipinas pagdating sa mga ganitong bagay, hindi tayo papayag na basta na lamang maghihintay at aasa sa ibang bansa.
Kaugnay nito, isang kontrobersiyal na gamot ang pinag-uusapan na ngayon sa bansa na posible umanong makatulong laban sa COVID-19, ito ay ang Ivermectin.
Kaugnay nito, inamin ng Food and Drug Administration (FDA) na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte umano ang nag-utos na magsagawa ng clinical trials ang Pilipinas para sa Ivermectin.
Matatandaang kinontra ng Department of Science and Technology (DOST) ang pagsasagawa ng clinical trials ng Ivermectin dahil maraming bansa na raw ang nag-aaral sa bisa nito laban sa COVID-19.
Hanggang sa kumambyo ang Science department at sinabing maglulunsad ang pamahalaan ng clinical trials para sa nasabing gamot.
Anim na quarantine facilities malapit sa UP-Philippine General Hospital ang pagdadausan ng pag-aaral na tatagal ng walong buwan at binubuo na ng Philippine Council for Health Research and Development ang disenyo ng clinical trials.
Matatagal-tagal na paghihintay, pero kung papasa ay malaki ang maitutulong nito.
Una nang inamin ng mga opisyal ng gobyerno na umiinom sila ng Ivermectin bilang panlaban sa COVID-19, at anila’y epektibo ito.
Anumang gamot na posibleng makatulong kontra-COVID-19, sana’y bigyan natin ng pagkakataon na mapag-aralan. Malay natin nasa atin pala ang gamot sa nakamamatay na COVID-19.
Ito ang panahon na kailangang magtulungan at hindi kontrahan. Wala namang ibang makikinabang kundi tayo ring lahat.
コメント