ni Ryan Sison - @Boses | October 03, 2021
Habang papalapit ang simula ng pagbabakuna sa kabataang edad 12 hanggang 17, tiniyak ng Department of Health (DOH) na mayroong sapat na suplay ng COVID-19 vaccines na pinapayagang maiturok sa mga menor-de-edad.
Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, chairperson ng National Vaccine Center, isinasapinal pa ang guidelines, pero ang pagbabakuna sa mga menor-de-edad ay sisimulan sa mga edad 15 hanggang 17 na may comorbidities.
Unang ipatutupad sa ilang ospital sa National Capital Region (NCR) ang pagbabakuna at oobserbahan saka pag-aaralan kung ano pang mga dapat ayusin bago ito gawin sa buong rehiyon at buong bansa.
Dagdag ng opisyal, sapat ang suplay ng Pfizer at Moderna. At dahil kabataang may comorbidities ang unang target, isa hanggang dalawang milyong bakuna ang tinitingnan at sa NCR, sapat na aniya ang daan-libong bakuna.
Gayundin, umaasa silang mas maraming bakuna pa ang dumating sa bansa sa last quarter ng taong ito.
Matatandaang nilinaw na kailangang pumirma ng consent form ng mga magulang at bata para sa pagbabakuna. Ang mga menor-de-edad ay kailangang magpakita ng medical certificates na magpapatunay na sila ay may comorbidity.
Samantala, inaasahan ang mas marami ang suplay ng Pfizer mula sa COVAX facility at binili ng gobyerno, gayundin ang walong milyong doses ng Moderna.
Sa susunod na linggo, lagpas 5.5 milyong doses ng Pfizer ang darating sa bansa, na donasyon ng United States.
Habang naghahanda na ang mga lokal na pamahalaan, gayundin ang mga magulang, sana lang ay talagang plantsado na ang lahat sa oras na simulan ang pagbabakuna sa kabataan.
Mahirap kasi ‘yung marami ngang gustong magpabakuna, pero wala namang suplay.
Kaya hangga’t may panahon, pakiusap nating maging handa rin ang gobyerno sa anumang puwedeng mangyari.
Nariyan ang posibilidad na umatras ang mga nais magpabakuna, kaya alamin din kung ano’ng dapat gawin upang hindi masayang ang suplay. Isa pa, ipagpatuloy ang paghikayat sa mga magulang at kabataan na magpabakuna.
Tandaan na ang lahat ng ito ay ginagawa para sa kapakanan ng lahat at kaunting pagsisikap at tiyaga pa, mapagtatagumpayan din natin ang labang ito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments