ni Angela Fernando @News | Nov. 21, 2024
Photo: Senator Risa Hontiveros / FB
Ibinunyag ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros nitong Huwebes na may ilang opisyal ng gobyerno na tumutulong sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) upang maiwasan ang ipinatutupad na ban.
Ginagawa ito sa pamamagitan ng pagtuturo sa POGOs na magparehistro bilang Business Process Outsourcing (BPO) firms upang maitago ang kanilang patuloy na operasyon.
"'Yung mga sumbong sa amin ay may mga government officials pa na nagpapayo sa kanila na mga ganu'n, magbago na lang kayo ng porma, at least legally, na mga simple BPOs lamang pero nakatago sa loob nu'n ay mga POGO operations," saad ni Hontiveros.
Ayon pa kay Hontiveros, walang pangalan ng mga opisyal ng gobyerno ang nabanggit sa mga ulat na nagpapakita ng posibleng pagtulong ng ilang opisyal sa POGO upang maiwasan ang ban.
Binigyang-diin din ni Hontiveros na isa lang ito sa maraming paraan upang maiwasan ang isinasagawang ban na ipinataw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa pamamagitan ng executive order.
Magugunitang ang hakbang na ito laban sa mga POGO ay bunsod ng mga alegasyon ng pagkakasangkot ng nasabing industriya sa online scams, human trafficking, at iba pang kriminal na gawain.