ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | March 20, 2021
Ngayong pandemya, iisa ang pinakamahalaga sa lahat — ang mayroon tayong madudukot na panggastos para mapunan ang mga pangunahing pangangailangan ng ating pamilya.
Hindi natin sigurado ang mga susunod na araw. Batid nating lubog sa panganib ang ating bansa dahil sa pandemyang ito.
Ayon sa Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC), dumoble ang total deposit accounts ngayong mga panahong ito. Ibig sabihin, mas marami sa atin ang naging praktikal at natutong mag-impok sa bangko.
Umusbong nang hanggang 9.5% year-on-year ang total deposit accounts mula P13.1 trilyon na humakbang sa P14.3 trilyon sa kasalukuyan.
At noong Setyembre 2020, ayon sa PDIC, 76.1 milyon sa kabuuang 78.7 milyong total deposits sa iba’t ibang bangko sa bansa ang nasa ilalim ng kanilang insurance.
Kaugnay nito, sa ilalim ng ating panukalang-batas, ang Senate Bill 2089, nilalayon nating atasan ang PDIC na itaas sa P1 milyon ang deposit insurance mula sa umiiral na P500, 000.
Ito ay upang maiakma ang insurance coverage ng PDIC sa mabilis na pagbabago ng ating financial landscape.
Nakasaad pa rin sa ating panukala na kada tatlong taon, kailangang repasuhin ng PDIC Board of Directors ang ipinatutupad nilang maximum deposit insurance coverage na kanilang ibabase sa galaw ng inflation.
Tayo ay nasa trying times. Mas mainam na mayroon tayong naiimpok na maaasahan natin sa mga darating na panahon.
◘◘◘
Kaunting hakbang na lang, ganap nang magiging Pinoy ang centerman ng Ateneo Blue Eagles na si Ange Kouame.
Nitong nakaraang linggo, lumusot sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang ating panukala, ang Senate Bill 1892, na naglalayong bigyan ng naturalized citizenship si Kouame.
Malaki ang tiwala natin sa batang ito dahil sa mga ipinamamalas niyang galing sa basketball. Ang pagkakabilang niya sa koponan ng Gilas Pilipinas ang magbibigay pangil sa ating national team.
Sa sandaling mapagtibay ni Pangulong Duterte ang panukalang ito, pormal na ang membership ni Kouame sa koponan ng Gilas.
Naniniwala tayo na si Kouame ang pupuno sa puwang ng Gilas Pilipinas upang umabante ang national team sa mga lalahukang torneo sa basketball.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City
o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comments