top of page
Search
BULGAR

Mga Pinoy, todo-reklamo sa gobyerno pero pasaway naman

ni Ryan Sison - @Boses | May 27, 2021



Hindi na talaga maawat ang pagpapasaway ng ilan nating kababayan sa gitna ng COVID-19 pandemic.


Habang ang iba ay todo-ingat para hindi mahawaan ng sakit, may mangilan-ngilan na tila wa’ pakialam kung mahawa o makahawa ng sakit. Tulad ng isang lalaki sa Bgy. Capri sa Quezon City, kung saan sa halip na mag-quarantine dahil may close contact sa kamag-anak na namatay sa COVID-19 ay nakipag-inuman pa.


Nang mabuking ng mga taga-barangay ang inuman, agad nilang ipina-swab test ang mga naroon kung saan dalawa sa kanila ang nagpositibo at nakihalubilo na rin sila sa iba bago pa na-swab test.


Sa totoo lang, nakadidismaya dahil madalas tayong magreklamo na kesyo walang ginagawa kuno ang gobyerno para tugunan ang pandemya, pero kapag tayo na ang responsable, maraming nagbubulag-bulagan at tila walang obligasyon.


Kung tutuusin, matagal na nating alam na kapag naka-quarantine, dapat hindi lumalabas at nakikisalamuha, pero dahil karamihan sa atin ay sadyang pasaway, heto at naging simula pa ng panibagong problema.


Kahit magsawa ng contact tracing, monitoring at swab testing, balewala ito kung paulit-ulit lang na nangyayari.


Bagama’t hindi na bago ang pagkakaroon ng pasaway na residente, panawagan natin sa mga kinauukulan, habaan pa ang pasensiya at ‘wag matakot na magdisiplina.


At kayong matitigas ang ulo, kung gusto ninyong magsaya o magpalipas ng oras, tiyakin ninyong hindi ito magiging dagdag-problema. Tandaan na hindi lamang inyong sarili ang nalalagay sa panganib dahil ang inyong mga nakakasalamuha ay ganundin.


Paalala sa lahat — gobyerno man o mamamayan — lahat tayo ay may dapat gawin upang matuldukan ang pandemya. Hindi lamang dapat gobyerno ang kumikilos dahil kung makikiisa ang taumbayan, maipapanalo natin ang labang ito sa lalong madaling panahon.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page