@Editorial | June 08, 2021
Umarangkada na ang pagbabakuna kontra-COVID-19 sa mga essential workers mula sa public at private sector na nasa A4 priority list.
Tinukoy ng National Economic and Development Authority (NEDA) na nasa 35.5 milyon ang target na mabakunahan sa ilalim ng A4 priority group makaraang simplehan kung sinu-sino ang kabilang dito.
Sa ilalim ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATFEID) Resolution No. 117, ang mga eligible sa A4 group ay ang mga manggagawa na pisikal na nagtutungo sa lugar ng trabaho sa labas ng bahay, mga empleyado sa mga ahensiya ng pamahalaan at informal workers at self-employed na kailangang lumabas ng mga bahay.
Kaugnay nito, tinatayang milyong doses ng bakuna ang matatanggap ng Pilipinas sa third quarter ng taon. Kung saan, 1.17 milyong doses ng AstraZeneca ang darating sa Hulyo at Agosto.
Darating na rin ang Moderna mula sa Amerika pati na ang Novovax at Covaxin mula sa India.
Target ng pamahalaan na makamit ang herd immunity sa Metro Manila at iba pang probinsiya bago pa man matapos ang taong kasalukuyan.
Kaya patuloy ang paghikayat sa publiko na magpabakuna na lalo na silang mga nasa A1 hanggang A3 categories. Kaugnay nito, inihihirit na rin sa mga opisyal sa local government units (LGUs) na dalhin na nang direkta ang mga bakuna sa kanilang mga nasasakupan na bahagi ng priority groups na babakunahan.
Hindi maitatangging may mga kababayan tayo na bukod sa mahilig sa last minute, eh, mas gusto na sila ang nilalapitan.
Gayunman, tulad ng palaging sinasabi, hindi sapilitan ang pagpapabakuna, karapatan nating tumanggi kung sa palagay natin ay hindi ito katanggap-tanggap pero, dapat din tayong maging bukas sa impormasyon na posibleng makapagpabago ng isip at higit na makapagbibigay ng kapanatagan sa ating kalooban.
Samantala, habang nagdaratingan ang mga bakuna, umaasa naman ang mga nabakunahan na magiging mas masaya ang Pasko ngayong taon dahil kahit paano ay may laban na sa virus.
Commentaires