@Editorial | May 03, 2021
Kinumpirma ng Philippine envoy sa New Delhi, India, na kanilang ire-repatriate ang mga Pilipino na nais ng umuwi ng bansa sa sandaling bumalik na sa biyahe ang mga commercial flights.
Bagama’t, sa ngayon, mahirap pang magsagawa ng repatriation, dahil marami pang mga bansa ang nagpapatupad ng travel ban sa India, at wala ring direct flight ang Pilipinas at India.
Sinasabing kakaunti pa lamang ang nagpahayag ng kagustuhan na magbalik-bansa at dapat umano ay umabot muna sila sa bilang na 150.
Samantala, nasa 73 Pinoy sa India ang nagkaroon ng respiratory illness at dalawa rito ang namatay. Sa ngayon, naka-lockdown ang New Delhi dahil sa pagtaas ng COVID-19 cases.
Una nang ipinag-utos ang pagbabawal na makapasok sa ‘Pinas ang lahat ng galing India, upang masigurong hindi makalulusot ang mas matinding variant ng virus. Sinundan naman ito ng panawagan ng ilang Pinoy na gusto nang umuwi dahil sa takot.
Maunawaan sana ng ating mga kababayan na tayo’y nasa sitwasyon na kailangang aralin at timbangin ang mga bagay. Sa isang banda, dapat ding tiyakin ng ating gobyerno na hindi naman ito nangangahulugang kailangang may malagay sa alanganin.
Habang pinipigilang makapasok ang mga panibagong variant ng COVID-19, dapat tuloy naman ang pagsaklolo sa ating mga kababayan na nasa labas ng bansa.
Huwag sanang makalimutan na katuwang din natin sila sa lahat ng laban na ating pinagdaanan at pagdaraanan pa.
Sa ngayon, lahat ng Pinoy ay dapat na magkaunawaan at magtulungan hanggang sa malampasan ang pandemya.
Comentarios