top of page
Search
BULGAR

Mga Pinoy sa Lebanon, makauwi na sana sa ‘Pinas

ni Ryan Sison @Boses | Oct. 21, 2024



Boses by Ryan Sison

Sa gitna ng tumitinding bakbakan sa Lebanon, may mga kababayan tayong naroroon ang hinaharang umano ng kanilang employer na makauwi sa Pilipinas.

Ilan sa mga overseas Filipino workers (OFWs) ang nagsabing nahihirapan silang makauwi ng ating bansa dahil sa kanilang mga amo, at ang iba ay nahihirapan namang makakuha ng exit clearance. 


Kabilang dito ang nasa 22 mga Pinoy na karamihan ay mga babaeng domestic helpers o kasambahay na nagnanais na ma-repatriate.


Ayon kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Repatriation Assistance Division head, Atty. Ace Millar, kasalukuyang inaayos ang mga exit visa ng mga OFWs habang hawak na nila ang nasa 178 Pinoy na nasa kanilang shelter.


Una nang nai-report na gumagawa ng paraan ang Embahada ng Pilipinas sa Lebanon para mailigtas ang mga Pinoy na nasa mga lugar na apektado ng tumitinding tensyon sa naturang bansa.


Bineperipika na rin ng embahada ang impormasyon na may mga Pinoy na stranded sa ilang pampublikong lugar o squares mula sa Beirut. 


Hindi naman bababa sa 86 Pinoy ang nakabalik na ng ‘Pinas at 79 naman ang inaasahang darating, habang patuloy ang panawagan ng pamahalaan sa ating mga kababayan sa Lebanon na samantalahin ang pagkakataon at magpa-repatriate na hangga’t bukas pa ang mga airport sa lugar.


Kailangan sigurong doblehin o triplehin pa ng gobyerno ang pagsisikap nilang mapauwi na ang mga Pinoy sa ating bansa habang hindi pa ganoon kalala ang sitwasyon sa Lebanon.


Batid naman natin na kapag nagkaroon na ng giyera ay wala talagang natitirang buhay, kaya marapat lamang na gawan ng paraan para sagipin ang mga kababayan doon sa tiyak na kapahamakan.


At kung tila iniipit ang mga OFW ng kani-kanilang employer ay dapat silang saklolohan sa lalong madaling panahon, kung saan responsibilidad ito ng ating pamahalaan. 

Wala sanang palalampasing oras ang kinauukulan sa pag-repatriate sa kanila para wala ring mga Pinoy na maiiwan. 


Panawagan lang natin sa mga kababayan na nagdadalawang-isip na bumalik sa bansa, isipin muna sana ngayon ang inyong kaligtasan dahil may nakahanda namang tulong at suporta mula sa ating gobyerno.


Ang mahalaga ay buo kayong uuwi sa ‘Pinas habang masaya pang makakasama ang inyong mga pamilya.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page