top of page
Search
BULGAR

Mga Pinoy, protektahan at tulungan saan man sila sa mundo

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | October 14, 2023

Isa sa mga sektor na prayoridad nating tulungan at alalayan ay ang ating mga overseas Filipino workers.


Napakalaki ng kanilang sakripisyo na napipilitang magtrabaho sa ibang bansa para lang maipagkaloob sa kanilang pamilya ang magandang buhay. Madalas din na nagiging biktima sila ng pagmamaltrato, o kaya ay naiipit sa mga kaguluhan gaya ng kasalukuyang nangyayari sa Israel kung saan marami rin tayong OFWs.

Kaya masakit para sa aking mabalitaan na tatlo na sa ating mga kababayan ang namatay dahil sa kaguluhan doon, kasama na ang isang nurse na kababayan nating nagpasyang hindi iiwan ang kanyang pasyente at tinupad ang kanyang tungkulin sa trabaho hanggang sa huling sandali bago siya pinatay. Para sa akin, isa siyang tunay at kahanga-hangang bayani. Nakikiramay ako sa kanilang mga pamilya.

Sa harap ng nagaganap na gulo sa pagitan ng Israel at ng Hamas sa Gaza Strip, umapela tayo sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kabilang ang Department of Migrant Workers, Department of Foreign Affairs, at Philippine Overseas Employment Administration na patuloy na tulungan ang mga Pilipinong apektado ng kaguluhan.

Bukod sa pagtiyak sa kanilang kaligtasan, importante na malaman ng kanilang mga kamag-anak dito sa Pilipinas na ligtas sila sa kanilang kinaroroonan, at ginagawa ng pamahalaan ang lahat para masiguro ang kapakanan ng kanilang mga mahal sa buhay na nasa Israel o saan mang parte ng mundo.

Bilang tayo ang Vice Chair ng Senate Committee on Migrant Workers, binigyang-diin natin sa ating panawagan ang mabilis at komprehensibong imbentaryo ng lahat ng apektadong OFWs, lalung-lalo na ang mga posibleng naging biktima roon ng naganap na karahasan. At hangga’t maaari, kailangang planuhin agad ang mabilisang pagpapauwi sa kanila dahil hindi natin tiyak kung patuloy pang lalala ang sitwasyon doon.

Napakahalaga na ligtas ang ating mga kababayan nasaan man sila sa mundo. Kaya umaapela tayo sa DMW, DFA, at ang POEA na bilisan ang pagkilos dahil importante ang oras sa mga panahong ito at tiyakin na matutukoy lahat ang ating mga kapwa Pilipino na nasa Israel.

Umapela rin ako sa ating mga kababayan na nasa Israel na tiyakin din ang kanilang kaligtasan.


Makipag-ugnayan sila sa ating embahada. Sabi ko nga, nauunawaan ko na marami sa kanila ang may maayos at magandang buhay sa bansa na kanilang kinaroroonan, pero dapat pa ring maging prayoridad ang kanilang kaligtasan.

Sa ating mga kababayan sa Israel, kung may alam kayo na kababayan natin d’yan na nangangailangan ng tulong, gamitin natin ang mga nararapat na linya ng komunikasyon at ipaalam sa ating pamahalaan para maprotektahan ang ating kapwa Pinoy na nasa delikadong kalagayan.

Mahal natin ang ating mga OFWs na itinuturing nating mga bagong bayani. Sila ang ating inspirasyon kaya natupad natin ang isa sa ating mga pangarap, ang pagtatayo ng DMW, ang departamentong tututok sa kanila kapag mayroon silang problema sa pagtatrabaho sa ibang bansa. Nalikha ang DMW sa pamamagitan ng Republic Act No. 11641 na isa tayo sa may-akda at co-sponsor. Sa mga pagkakataong tulad ng kaguluhang nagaganap sa Israel, dito natin nakikita ang importansya ng nasabing ahensya na ating isinulong.

Samantala, tuluy-tuloy ang ating paghahatid ng serbisyo para sa ating mga kababayan na nahaharap sa iba’t ibang krisis, gayundin ang iba pa nating gawain sa loob at labas ng Senado.

Personal naman nating sinaksihan noong October 11 ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Plaridel, Bulacan. Pinangunahan din natin ang pamamahagi ng tulong para sa mahihirap na residente sa lugar kasama sina Vice Governor Alex Castro, Congresswoman Augustina “Tina” Pancho, Mayor Jocell Vistan, Vice Mayor Lorie Vinta, at iba pa nilang opisyal.

Kasabay nito ay isinagawa rin ang groundbreaking para sa itatayong Super Health Center sa Initao, Misamis Oriental at sa Rodriguez, Rizal. Noong October 12 naman ay nagkaroon din ng groundbreaking ang itatayong Super Health Center sa Isabela City, Basilan.

Nakarating naman ang aking tanggapan sa iba’t ibang komunidad para magkaloob ng tulong sa mahihirap na residente at apektadong sektor.

Kamakailan ay nagkaloob tayo ng tulong para sa 500 mahihirap na residente ng Calapan, Oriental Mindoro katuwang sina Mayor Marilou Morillo at Councilor Atty. Jelina Maree Magcusi. Natulungan din natin ang 655 mahihirap na residente ng Caloocan City katuwang ang tanggapan ni Congresswoman Mitch Cajayon. Namahagi rin ang ating tanggapan ng tulong para sa 700 mahihirap na residente ng South District ng Cebu City katuwang si Congressman Edu Rama.

Nagbigay rin tayo ng suporta sa mga TESDA graduates gaya ng 300 mula sa Ormoc City, Leyte; 400 mula sa Tacloban City, Leyte; 150 sa Mambusao at 100 sa Roxas City, Capiz; gayundin ang 25 benepisyaryo sa ginanap na TESDA Orientation sa San Fernando City, Pampanga.

Naalalayan natin ang ilang mga displaced workers tulad ng 350 sa Gapan, Nueva Ecija katuwang ang tanggapan ni Congressman GP Padiernos; 642 sa Medina, Misamis Oriental katuwang ang tanggapan ni Congressman Christian Unabia; 381 sa Dumarao, Capiz katuwang ang tanggapan ni Mayor Matt Hachuela; at 372 displaced workers ng Mataas na Kahoy, Batangas katuwang si Mayor Janet Ilagan. Ang mga benepisyaryong ito ay kwalipikado rin sa programa ng DOLE na nagbigay ng pansamantalang trabaho sa kanila.

Samantala, umalalay rin tayo sa mga naging biktima ng sunog at naging benepisyaryo ang 31 residente ng Tagoloan, Misamis Oriental; at anim sa Remedios T. Romualdez, Agusan del Norte.

Namahagi rin tayo ng dagdag na tulong sa 13 nasunugan sa Iligan City at 18 binaha sa Maigo, Lanao del Norte bukod sa natanggap nila mula NHA sa pamamagitan ng programa na ating isinulong noon para may pambili ng mga materyales tulad ng pako, yero at iba pa sa pagsasaayos ng kanilang bahay ang mga naging biktima ng sakuna.

Tututukan natin ang nagaganap na kaguluhan sa Israel dahil kabilang ang buhay ng ating mga kababayan na naroroon ang nakataya rito. Sama-sama nating proteksyunan ang buhay ng bawat Pilipino nasaan man sila sa mundo.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page