ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | November 9, 2021
Tila nakawala sa hawla. Ito ang eksena sa unang araw ng Alert Level 2 sa NCR. Ayon sa PNP, nakapagtala sila ng 9,461 na lumabag sa quarantine. Hindi naman sinabi kung ano ang mga paglalabag, pero kapansin-pansin ang pagdagsa ng mga tao, partikular sa mall.
Naging matindi rin ang trapik sa ilang lugar.
Ayon sa OCTA Research, bumalik na ang sitwasyon bago pq sumipa ang mga kaso ng Delta variant sa NCR at ilang lugar sa bansa. Dagdag pa nila, tila bumalik na nga ang buong bansa sa sitwasyon noong Marso nitong taon. Ito ay marahil sa dami ng bilang ng mga nabakunahan.
Ayon sa website ng DOH, higit 29 milyon ang kumpleto na ang bakuna habang higit 34 milyon naman ang nakatanggap na ng unang bakuna. At dito makikita na bagama’t marami na nga ang kumpleto ang bakuna, malayo pa ito sa 40 milyong target ng DOH.
Bakuna pa rin talaga ang sagot sa pandemyang ito. Kung mapabibilis lang sana ang pagbigay ng bakuna sa marami, mas maganda ang magiging sitwasyon ng bansa. May mga nangangamba nga na sa pagluwag ng NCR, kung hindi mag-iingat ang tao at iisiping wala na ang COVID, baka sumipa na naman ang mga kaso. Sa UK, kung saan lumuwag na rin dahil sa mababang bilang ng mga kaso noon, nakararanas sila ngayon ng pagsipa ng mga kaso. Sana ay hindi ito mangyari sa atin at masayang lang ang magandang sitwasyon.
Pero papalapit na ang Pasko. Pinayagan na ng MMDA ang extended mall hours mula Nobyembre 15, sahod pa iyon kaya nakikita na natin ang pagkakasabik ng mga tao na muling makapag-shopping. Pero kahit Alert Level 2 na tayo, ganun pa rin dapat ang pag-iingat. Dapat mag-facemask at face shield kung kinakailangan sa patutunguhan at madalas na paglinis o paghuhugas ng mga kamay. Hangga't maaari ay mag-take-out na lang muna o kumain sa labas kung may probisyon ang kainan. Huwag tumagal sa mga malls. Gawin lamang ang isinadya at umalis na. Sa tingin natin ay hindi pa rin ligtas ang manatili nang matagal sa loob, lalo na kung maraming tao. Alert Level 2 na nga, pero dapat Alert level 4 pa rin ang pagkilos at pag-iingat.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.
Comments