ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Mar. 10, 2025

KUNG 7 SA 10 PINOY ANG GUSTONG IBOTONG MGA KANDIDATONG MAY ADBOKASIYA LABAN SA KORUPSIYON, TIYAK ‘DI MATUTUPAD PANGARAP NI PBBM NA MAGWAGI LAHAT NG ‘MANOK’ SA PAGKA-SENADOR -- Base sa survey ng Social Weather Stations (SWS) ay pito raw sa 10 Pilipino ang nais iboto sa halalan ay mga kandidatong may adbokasiya laban sa korupsiyon.
Kung totoo ang survey na iyan, tiyak hindi matutupad ang pinapangarap ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na magwagi ang lahat o ang 12 “manok” niya sa senatorial election, dahil nga ang ilan sa kandidato ng Marcos admin bukod sa walang adbokasiya sa paglaban sa korupsiyon, ang iba ay mismong nasangkot pa sa mga katiwalian, boom!
XXX
HINDI NAMAN TALAGA NAKAPAGTATAKA NA MAS MAY TIWALA ANG MAMAMAYAN SA MGA SUNDALO KAYSA SA MGA PARAK -- Ayon naman sa survey ng OCTA Research firm ay mas pinagkakatiwalaan daw ng mayoryang Pinoy ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kaysa Philippine National Police (PNP).
May ilang pulis kasi ang sangkot sa illegal drugs, kidnapping, robbery at pangongotong kaya hindi naman talaga nakapagtataka na mas may tiwala ang mayoryang mamamayan sa mga sundalo kaysa mga parak, period!
XXX
HINDI LANG SI EX-P-DUTERTE ANG DAPAT SISIHIN NI SEC. LAUREL PATI SI PBBM SA MATAAS NA PRESYO NG BIGAS -- Hindi lang si ex-P-Duterte ang dapat sisihin ni Dept. of Agriculture (DA) Sec. Francisco Tiu Laurel sa mataas na presyo ng bigas, kundi pati ang kanyang boss na si PBBM.
Tandang-tanda pa kasi ng mamamayan ang promise ni PBBM noon na ipapahuli raw niya ang mga agri-smuggler at mga rice cartels, pero hanggang ngayon, isa man sa mga smuggler at rice hoarders ay wala pang napapakulong ang Marcos admin, boom!
XXX
KUNG MGA CHINESE ANG OPERATOR NG POGO, SA CALOOCAN CITY MGA CHINESE NA RIN ANG OPERATOR NG STL -- Ilan daw sa mga Chinese na dating nag-o-operate ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ay luminya na sa Small Town Lottery (STL), tulad sa Caloocan City, mga Chinese daw ang mga financier, at front lang daw ang Pinoy na tumatayong STL operators sa lungsod.
Tinutulan na noon ni Caloocan City Archbishop Pablo Virgilio Cardinal David ang pagkakaroon ng STL sa lungsod ni Mayor Along Malapitan pero natuloy pa rin pala. At ang matindi ay mga Chinese pa pala ang mga financier nito.
Dapat magsagawa ng imbestigasyon ang Senado at Kamara sa isyung ito para mahubaran ng maskara ang lahat ng STL operators, kasi baka hindi lang sa Caloocan City may STL financiers na Chinese kundi meron pa sa ibang lungsod at lalawigan, period!
Yorumlar