@Editorial | July 20, 2021
Umabot sa 3,000 distressed Filipinos mula United Arab Emirates ang napauwi na sa bansa sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Kasunod ito ng pagdating ng ika-pitong special chartered flight mula sa UAE simula nang magkaroon ng pandemya.
Nitong Linggo, July 18, nasa 359 overseas Filipinos, kabilang ang 112 buntis at 12 persons with disabilities, ang dumating sa Davao International Airport.
Todo-kayod pa rin ang gobyerno na mas mapabilis pa ang pagpapauwi sa mga kababayan nating apektado ng pandemic, lalo na ang mga buntis at may kapansanan.
Bukod sa return flight ticket, libre ring ibibigay ng gobyerno ang quarantine facility at swab test sa mga ito.
Makatatanggap din ang lahat ng repatriates ng P10, 000 na reintegration assistance, alinsunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi natin maaaring basta na lang pabayaan ang ating mga kapwa Pinoy na nais nang makauwi ng bansa, lalo na silang labis na naapektuhan ng pandemya. Marami sa kanila ang talagang nawawalan na ng pag-asa at nababahala sa sitwasyon.
Masasabing iba pa rin ‘pag nasa sariling bayan. Kahit sinusubok ang lahat, nagagawa pa ring magtulungan. ‘Ika nga, kahit walang-wala, pagdating sa pagtulong sa kapwa, palaging may nagagawang paraan.
Comments