ni Imee Marcos @Imeesolusyon | October 11, 2023
Nabulabog tayong lahat sa pagsiklab ng pag-atake ng Hamas Militant group sa Israel at patuloy ang giyera roon.
Nakakapangamba ang nabuhay na maraming siglo nang sigalot sa pagitan ng Israel at Palestinian militant group. Kaya naman ang ating OFWs doon, ‘di natin maiaalis na mahintakutan.
Dalawa na ang naiuulat na nasugatang Pinoy, may isa ring napaulat na na-hostage na OFW, pero ang mas nakakabahala pa ayon sa Israeli forces, hindi sila makapagnegosasyon. Nakupo!
Mabilis namang nakaresponde ang konsulada at embahada roon. Aktibo rin ang mga Filipino Community.
Pero ‘yun nga lang may mga OFW na gusto nang umuwi, may iba ring ayaw.
May napapaulat na mga nawawalang Pinoy. May walong na-rescue ang Israel forces.
Panawagan ng ilan nating mga kababayan doon na tulungan ang mga hindi dokumentadong mga Pinoy na walang mapagkakanlungan.
IMEEsolusyon na sa ngayon na magtulungan muna ang ating Filipino Community at maglagay ng 24/7 na documentation ng mga safe, lokasyon ng mga ito, mga nawawala, mga injured at iba pang mga casualties.
IMEEsolusyon din na matukoy sa listahan ang mga gustong magpalikas, magpa-rescue, at gustong manatili pa rin sa Israel.
Magagamit ang mga listahang ito para sa rescue, relief operations at repatriation.
IMEEsolusyon na sa ibang mga bansa kung saan mayroon tayong mga OFWs, parating mailatag ang mga ganitong listahan ng ating Embassy, Filipino Communities para sa mabilisang rescue at iba pang pangangailangan.
IMEEsolusyon rin na kung wala namang gumaganang telepono o walang mga kuryente, baka naman puwedeng magkaroon ng mga handheld radios ang lider ng bawat Filipino Communities na naka-standby para sa mas mabilis na komunikasyon.
IMEEsolusyon rin na magtakda ang bawat Filipino Community ng mga lugar na palagian nilang tatakbuhan tuwing may sakuna, kalamidad o mga ganitong mga kaguluhan.
IMEEsolusyon rin na bawat isang Pinoy, may dalawa o tatlong hotline ang Filipino Community para sa koordinasyon para sa mga OFW na nangangailangan ng tulong.
At higit sa lahat kabisaduhin na ang mga hotline na ‘yan ng bawat OFW.
IMEEsolusyon na laging maglagay ng mga go bag na naka-redi in case of emergency, nakalagay doon ang inyong passport o iba pang mga IDs o documents, ilang gamot, tubig, flashlight, T-shirt, undies at pants o shortpants, ilang biskwit o candies.
Sa ngayo’y lakasan lang ng bawat Pinoy ang kanilang loob. Keri natin ‘yan, basta tulung-tulong sa mabilis na pagkilos at pagiging alerto para sa inyong kaligtasan.
Comments