top of page
Search
BULGAR

Mga Pinoy mas happy sa community pantry kesa Kadiwa store

ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | May 6, 2023



PIRMA NG YUMAONG ERPAT, PINEKE NG ANAK PARA MASOLO ANG MANA—Sa impormasyong ipinost sa website na bilyonaryo.com, idinemanda ni Filipino-Indian national Amith Chandiramani ng kasong falsification of private documents sa National Bureau of Investigation (NBI) ang kapatid niyang si Rajiv, ina nila na si Pushpa, at sina Maria Anita Turqueza, Janet de Luna Cardinal, Rommel Olaybar at iba pang suspek.


Nagsabwatan umano ang mga ito upang mapunta kay Rajiv ang mana ni Amith mula sa yumaong ama na si businessman Prem Narandais Chandiramani.


Ipinunto ni Amith na malinaw na pineke ang pirma ng kanilang ama, na ang lahat ng properties ng Pamilya Chandiramani ay isinalin kay Rajiv dahil ang pirma sa dokumento ay may petsang Disyembre 11, 2018, gayung Disyembre 26, 2011 yumao ang kanilang ama.


Kung totoo ang reklamong ‘yan ni Amith, bad pala ang utol niyang si Rajiv dahil pati pirma ng yumao nilang erpat ay pineke para masolo ang mana, tsk!


◘◘◘


SA KASUWAPANGAN, PATI PARTE SA MANA NI AMITH AY ISINANGLA AT IBINENTA NI RAJIV—Dahil sa pekeng pirma at sabwatan, nagawa ni Rajiv na isangla nang P192.8 million sa Land Bank of the Philippines (LBP); isangla nang P300-M sa Bank of Makati (BMI) at isinangla nang P50-M sa Philippine Business Bank Inc. ang malawak nilang property na luxury Malibu home sa California, USA (United States of America), na inuupahan nang $20,000 monthly ng anak ni US Pres. Joe Biden na si Hunter Biden.


Habang naisangla rin ng P46-M ang dalawang property nila sa Makati na 875 sqm at ibinenta nang P32.5-M ang dalawang property nila na 1,559 sqm at 660 sqm sa Cubao, Quezon City.


May pagkasuwapang pala ‘tong si Rajiv dahil pati ang mana ng kanyang utol na si Amith ay pinag-interesan. At dahil pineke ang pirma ng kanilang ama, dapat madaliin ng NBI ang pagsasampa ng kaso sa korte sa lahat ng sangkot sa falsification of private documents, period!


◘◘◘


PAGBABA NG INFLATION RATE SA ‘PINAS, FAKE NEWS?—Mataas pa rin ang presyo ng mga bilihin at bayarin sa bansa, kaya maraming napataas ng kilay nang inanunsyo ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na nitong nakalipas na buwan ng Abril ay nasa 6.6% na lang ang inflation rate sa ‘Pinas.


Dahil uso ang fake news sa bansa, pati ang BSP ay nakiki-fake news na rin, boom!


◘◘◘


MAS MARAMING NATUWA SA COMMUNITY PANTRY KAYSA SA KADIWA STORES—Mas natuwa ang publiko sa nauso noon na community pantry ni Ana Patricia Non kaysa sa Kadiwa stores ngayong Marcos administration.


Napakarami kasing community pantry noon, at libre pa ang ipinamimigay na pagkain, pero sa Kadiwa stores na kakaunti lang, may bayad pa, period!


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page