@Editorial | May 08, 2021
Bumaba na ang unemployment rate sa bansa.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), mayroong 3.44 milyon o katumbas ng 7.1 percent ang walang trabaho noong Marso na ito ay mas mababa ng 8.8 percent noong Pebrero.
Ito na ang pinakamababang unemployment rate mula nang tumama ang COVID-19 pandemic sa bansa.
Masasabing isang senyales na bumabalik na ang sigla ng ekonomiya ng bansa dahil dumarami na ang mga nagbubukas na mga kompanya.
Lumabas din sa survey na mayroong 2.18 milyong manggagawa ang nadagdag sa mga nagkaroon ng trabaho na umabot na ngayon sa 45.33 milyon o katumbas ng 92.9 percent employment rate noong Marso kumpara sa 43.15 milyon noong Pebrero.
Bumaba rin ang underemployment o mga may trabaho pero, hindi tugma sa tinapos nilang kurso kung saan mayroong 7.85 milyon noong Pebrero na naging 7.34 milyon na noong Marso.
Palagi nating sinasabi na kayang-kaya nating mga Pinoy na bumangon at bumawi, anumang pagsubok ang dumating. Likas sa atin ang hindi basta nagpapatalo sa halip, lalong lumalaban.
Hindi ito ang unang pagkakataon na pinadapa ang ating kabuhayan at marami na ring beses tayong nagsimula muli at mas lalo nating ginalingan.
Ito ang panahon na mas lalo nating kailangan ang isa’t isa. Sa unti-unting pagbubukas ng mga establisimyento, kasunod nito ang pagbalik ng trabaho at tiyak na mas matatag, malakas at pursigido ang mga manggagawa na magsisipagbalik.
Kailangan din ng patuloy na suporta mula sa gobyerno. Batid naman nating hindi kakayanin ng mga pribadong sektor at ng mga manggagawa ang muling pagbangon, dapat na may alalay pa rin. Wala namang ibang magtutulungan kundi tayo ring mga Pinoy.
Comentários