top of page
Search
BULGAR

Mga pensyonadong dapat mag-comply sa ACOP Program

@Buti na lang may SSS | March 19, 2023


Dear SSS,


Magandang araw! Nais kong itanong kung ang lola ko ba ay dapat pang mag-comply sa ACOP? Pensioner siya ng SSS mula noong 2017. Salamat. —Bernard

SAGOT:


Mabuting araw sa iyo, Bernard.


Para sagutin ang katanungan mo, dapat muna nating alamin kung anong uri ng pensioner ang lola mo. Siya ba ay retirement, survivor o total disability pensioner? Kasalukuyan ba siyang nasa abroad o nandito sa Pilipinas?


Nais naming ipaalam sa iyo, Bernard, na kinakailangang magpasa ng compliance sa ACOP ng mga sumusunod:


  • Retirement pensioners na naninirahan sa abroad;

  • Total disability pensioners;

  • Survivor pensioners; at

  • Dependents at guardians.


Samantala, ang mga retirement pensioners na naninirahan sa Pilipinas ay exempted dito.


Kung ang lola mo ay kabilang sa aking mga nabanggit na kailangang mag-comply, kailangan niyang tumugon sa ACOP. Kailan ba siya dapat mag-comply?


Kung siya ay retirement pensioner na naninirahan sa abroad o total disability pensioner, kailangan niya itong gawin kada taon sa kanyang birth month; kung siya naman ay survivor pensioner, sa birth month ng kanyang yumaong asawa o miyembro ng SSS; pero kung siya naman ay dependent o guardian, dapat niya itong gawin sa birth month ng pensioner o yumaong member, alinman ang applicable rito.


Pero mahalaga rin nating malaman kung noong mga nakaraang taon ba simula noong maging pensioner ang lola mo ay nag-comply na siya sa ACOP. Matatandaan kasi na noong 2020, pansamantalang sinuspinde ang pagsasagawa ng ACOP ng SSS dahil sa COVID-19 at ibinalik lamang ito noong Oktubre 2021.


Kung hindi pa siya nakapag-comply simula 2020 hanggang ngayon, mayroon na lamang siyang hanggang Marso 31, 2023 para mag-comply upang hindi masuspinde ang kanyang pension effective sa kanyang May 2023 pension.


Paano naman niya gagawin ang nabanggit na compliance?


Madali lamang ‘yan. Una, kinakailangan lamang ipasa ng pensioner o dependent with guardian ang required documents sa alinmang SSS branch o foreign office, o OFW-Contact Services Section sa pamamagitan ng e-mail, mail, o courier.


Para naman sa mga pensioner na nasa abroad, maliban sa total disability pensioners, maaari rin silang mag-request ng video conference sa SSS sa pamamagitan ng pagpapadala ng request for schedule sa e-mail address na ofw.relations@sss.gov.ph.


Para naman sa total disability pensioners na naninirahan sa Pilipinas, maaari rin silang mag-request ng home visit o conduct of domiciliary medical service sa SSS.


Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa ACOP compliance, bisitahin ang https://crms.sss.gov.ph, i-click ang “Knowledgebase,” hanapin ang ACOP at i-click ito.


Nandito ang listahan ng documentary requirements at kumpletong guidelines sa pagku-comply sa ACOP.


Mayroon ding sample photos dito para lubos na maintindihan ng mga pensioner ang mga kinakailangang gawin.


Kapag nakapag-comply na ang lola mo ngayong taon, kailangan pa ba niyang magpasa muli para sa taong 2023 ng compliance? Ang sagot naman dito ay depende. Ang kinokonsidera kasi na early compliance ng SSS ay anim na buwan o mas mababa rito kumpara sa kanyang orihinal na schedule. Halimbawa, ang lola mo ay dapat mag-comply sa ACOP tuwing buwan ng July kada taon, kung siya ay magku-comply ngayong Marso, hindi na niya kailangan pang magpasa muli.


Pero kung siya naman ay dapat mag-comply tuwing Disyembre, kailangan pa niyang magpasa ng compliance muli para sa 2023.


Sana ay nasagot ko ang iyong katanungan, Bernard. Inaanyayahan din kita, pati na rin ang iba pang nagbabasa nito, na bisitahin ang Knowledgebase Section ng https://crms.sss.gov.ph.


Makikita ninyo d’yan ang detalye ng mga benefits at loan programs ng SSS gayundin ang iba pa nitong mga serbisyo at programa.


 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page