ni Ryan Sison @Boses | Dec. 13, 2024
Ilang araw na lamang ay ipagdiriwang na natin ang Pasko, na panahon ng pagbibigay natin ng mga aginaldo para sa ating pamilya, kamag-anak at mga inaanak.
Kaya naman pinaalalahanan ng Food and Drug Administration (FDA) ang mga mamamayan hinggil sa mga collectible toy o laruan na nagdudulot ng panganib, partikular na sa mga maliliit pang bata.
Ayon sa FDA, habang nagiging popular ang ganitong items lalo na sa panahon ng bigayan ng mga regalo, dapat suriin ang mga laruan na bibilhin.
Sinabi ng kagawaran na target ng mga naturang produkto ay mga nasa hustong gulang, subalit ang mga makukulay na miniature replicas ng mga iconic character, sasakyan, at object ay nakakaakit sa mga maliliit na bata.
Paliwanag ng FDA, kadalasang ginagawa ng maraming paslit ang tinatawag na hand-to-mouth activity, kung saan ang mga naturang laruan ay may maliliit na sukat at mga small parts na maaaring humantong sa hindi nila sinasadyang paglunok ng mga bagay na ito.
Payo ng FDA sa mga magulang, guardians at iba pa na iwasan ang magbigay ng collectible toys na may maliliit na detachable parts o natatanggal na bahagi ng laruan sa mga batang wala pang 3-taong gulang.
Gayundin anang kagawaran, dapat suriin ang label ng mga collectible toys sa inirerekomendang age group at mga instruction sa paggamit kung hindi angkop ang mga ito para sa maliliit na bata.
Dapat ding alamin kung gawa ang mga ito mula sa non-toxic, lead-free, at phthalate-free na mga materials.
Mas makabubuti sigurong huwag na tayong magbigay ng mga ganitong klase ng regalong laruan sa mga maliliit na bata upang hindi tayo magkaroon ng problema o kaya naman ay may madisgrasya.
Puwede kasing malunok nila ang mga maliliit na bagay at ma-choke sila na tiyak ospital ang ating kahahantungan.
May mga laruan din na may lead na sadyang nakakalason, at ang pagkakalantad sa mas maraming lead ay maaaring makapinsala sa ating utak, atay, kidney at buto. Ang mga plastic na laruan ay may mga synthetic chemical compound na mapanganib din sa ating kalusugan.
Marahil, iregalo na lamang natin sa ating mga inaanak na maliliit pa ay damit, sapatos, medyas o kaya ay pagkain na may pakinabang pa sa kanila.
Isipin natin na hindi lang sila magiging masaya sa aginaldo na ating ibibigay, safe din sila habang kasama natin na nagdiriwang ng Kapaskuhan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments