ni Zel Fernandez | May 9, 2022
Kasunod ng pagpapatupad ng gun ban kaugnay ng 2022 national at local elections, naitala ng Philippine National Police (PNP) ang patuloy pang pagtaas ng bilang ng mga lumalabag sa inilabas na kautusan ng Commission on Elections (Comelec).
Batay sa pinakahuling datos ng PNP, pumalo na umano sa 3,128 ang kabuuang bilang ng mga gun ban violators mula sa 2,975 sa ikinasang operasyon mula Enero 9 hanggang alas-12 ng tanghali ngayong araw ng Mayo 9.
Ayon sa ulat ng PNP, karamihan sa mga nahuli ay pawang mga sibilyan na nasa 3,008; mga security guards na nasa 53; mga tauhan ng PNP na nasa 22; Armed Forces of the Philippines (AFP) personnel na nasa 19; at iba pang mga nahuli na umabot sa 26.
Tinataya namang aabot sa 2,416 na mga armas ang nakumpiska ng PNP sa kanilang mga operasyon kung saan ang mga deadly weapon ay nasa 1,143, kabilang na ang 123 mga pampasabog, kasama ang 14,094 na balang nasabat sa mga isinagawang operasyon.
Samantala, nananatiling may pinakamaraming naitalang gun ban violators sa National Capital Region (NCR) na may 1,142; sinundan ng CALABARZON na may 340; Central Visayas na nasa 332; ang Central Luzon na mayroong 280; at Western Visayas na umabot sa 187.
Gayunman, hindi pa umano kabilang dito ang mga armas na ginamit sa mga pag-atake sa Lanao del Sur at Maguindanao, na kapwa may naitalang mga sugatan at nasawi sa mga insidente.
Commentaires