top of page
Search
BULGAR

Mga pasaherong galing probinsiya sa bus terminal lang dapat sumasakay

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | November 21, 2023


Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nareresolba ng Philippine National Police (PNP) ang naganap na pamamaril noong nakaraang linggo sa loob ng isang bus na nag-viral sa social media at kitang-kita kung paano pinaslang ang dalawang natutulog na pasahero.


Bagama’t may mga person of interest nang sinasabi ang mga pulis, nananatiling hindi pa rin tukoy ang mga salarin na mismong bumaril sa magka-live-in na natutulog sa loob ng Victory Liner sa Nueva Ecija.


Hindi natin pakikialaman ang takbo ng imbestigasyon, ang nais nating busisiin ay ang anim na ulit na pinagbabaril ang 60-anyos na babae at ang 55-anyos na ka-live-in nito na nahagip lamang ng dashcam na nakakabit sa loob mismo ng bus na naganap sa bahagi ng Barangay Minuli sa bayan ng Carranglan.


Lumalabas sa imbestigasyon na sumakay ang mga biktima sa bus sa isang terminal sa Cauayan, Isabela habang ang mga salarin ay sumakay naman sa isang lugar sa Bayombong, Nueva Vizcaya.


Dahil sa pangyayaring ito ay plano na ng PNP na muling magtalaga ng bus marshals na dati nang ipinatutupad ng pamahalaan ngunit dahil sa pagbabago ng mga namumuno ay nawala na ito kaya balik-trabaho na naman ang mga masasamang loob na sa bus gumagawa ng krimen.


Ang nakalulungkot sa pangyayaring ito, pati ang pamunuan ng Victory Liner ay labis na naapektuhan samantalang ang tanging nais lamang nila ay makapagbigay ng maayos na serbisyo ngunit paanong napahintulutang sumakay ang mga salarin na may bitbit na baril gayung umiiral pa ang gun ban hanggang Nobyembre 29, 2023.


Natural na maglabas pa ng show cause order ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa Victory Liner upang bigyang daan nga ang isinasagawang imbestigasyon dahil kailangan talaga ng magkabukod na pagsisiyasat ang LTFRB at PNP.


Bagama’t hindi humaharap sa media ang pamunuan ng naturang bus company ay nagbigay naman sila ng pahayag na bukas ang kanilang tanggapan sa pakikipag-ugnayan sa PNP at LTFRB upang mabigyang linaw ang tunay na pangyayari, lalo pa at itinuturing na pangunahing testigo ang driver ng nasabing bus.


May umiiral kasing LTFRB Memorandum Circular na bukod sa pinapayagan lamang ang public utility bus companies na bumiyahe sa mga rutang saklaw ng kanilang prangkisa at kabilang dito ang magpatupad ng security plan para sa bus terminals at sa kanilang sasakyan habang bumibiyahe.


Kung makikita umano sa imbestigasyon na may mga paglabag o pagkukulang ang Victory Liner sa pagbibigay nila ng kanilang serbisyo, ayon sa umiiral na circular ay maaari silang managot tulad ng suspensyon, kanselasyon ng prangkisa at iba pa.


Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na ang mga salarin ay hindi sumakay sa bus terminal kaya inaalam pa kung pinapayagan ang Victory Liner na magsakay ng pasahero sa mga dinaraanan nito.


Marahil, panahon na para higpitan ang patakaran sa mga provincial buses pagdating sa paglulan ng mga pasahero na dapat ay tiyaking sa mismong terminal sumakay upang may pagkakakilanlan sakaling mangyari ang mga sakuna o krimen sa loob ng bus.


Marami kasing provincial bus company ang nagpapatupad na bago makabili ng tiket ang isang pasahero ay kailangang magpakita ng ID tulad ng ginagawa sa mga airport at pier, at iniinspeksyon ang mga bagahe para matiyak kung may armas o bawal na epektos.


Sa ganitong paraan maiiwasan nating magkaroon ng krimen sa loob ng bus dahil tukoy ang mga sumasakay na pasahero at dapat ay ipagbawal na ang pagdampot ng pasahero sa madidilim na bahagi ng dinaraang kalsada dahil mas madalas ay mga holdaper o iba pang masasamang elemento ang sumasakay galing sa mga liblib na lugar.


Marami nang provincial buses ang hindi na pumi-pick-up ng pasahero sa daan dahil umiiwas sa banta ng kapahamakan at kung lahat ng provincial buses ay paiiralin ang ganitong sistema, malaking tulong ang kanilang maiaambag upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang pasahero.

 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page