ni Jasmin Joy Evangelista | November 1, 2021
Kakaunti na lamang ang mga pasaherong dumarating sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ngayong umaga.
Kung ikukumpara noong weekend lalo na noong Biyernes at Sabado na maraming pasahero ang dumagsa sa PITX, ngayong araw ay mangilan-ngilan na lang ang nagpupunta rito para umuwi ng kanilang probinsiya.
Halos wala ring pila kahit maaga pa, at wala ring makikitang nagsisiksikan.
Malayo ito sa sitwasyon noong weekend na umabot sa 50,000 hanggang 55,000 ang mga pasahero bawat araw bukod nitong Sabado na umabot sa 66,000.
Ayon kay Jason Salvador, ang head for corporate affairs ng PITX, naramdaman muli nitong panahon ng Undas ang dami ng mga pasahero noong bago ang pandemya.
Sa mga biyahe naman pabalik mula probinsiya, inaasahang bukas o mamayang gabi pa ang dagsa nito dahil ngayong araw ay holiday pa.
Samantala, nananatiling mahigpit ang seguridad at pagpapatupad ng health protocols sa terminal. Mayroong mga pulis na nag-iikot at ang mga pasaherong sasakay ay kailangang naka-face mask at face shield at dadaan din sa temperature check.
Comments