top of page
Search
BULGAR

Mga panukalang magpapalakas sa turismo

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | March 4, 2023



Ilang linggo na lang, mag-impake na naman ang ilang Pinoy para samantalahin ang holidays.


Panahon na naman ng pagbabakasyon at pamamasyal.


Sabi nga ng ibang mga nakakausap natin, dahil dalawang taon silang napirmi lang sa bahay dahil sa pandemya, gusto naman nilang bumawi na makapagliwaliw ngayong bukas na ulit ang turismo sa iba't ibang panig ng mundo, maging dito sa Pilipinas. Ibig sabihin, ‘gising’ na talaga ang industriya.


Pebrero nang nakaraang taon, binuksan natin ang bansa sa mga dayuhan, maging sa mga overseas-based Filipinos, partikular ang mga magbabakasyon at mamamasyal lang sa magagandang lugar sa ‘Pinas.


At base sa report ng Department of Tourism (DOT), karamihan sa mga ito ay mula sa US, South Korea at Australia, kung saan ang bilang ay umabot nang mahigit sa dalawang milyon mula Pebrero hanggang Disyembre 2022.


Noong Miyerkules, pinangunahan natin sa Senado, bilang chairman ng subcommittee ng Committee on Tourism ang pagtalakay sa apat na panukalang-batas na nagsusulong na gawing mas komportable ang turismo para sa mga lokal at dayuhang turista.


Kabilang sa mga panukalang 'yan ang Senate Bills 238, 1166, 1615 at ang Senate Resolution 472.


Ang SB 1166 na inihain natin ay naglalayong gawing special ecological tourism zone ang Pag-asa Island, kasama ang adjoining islands nito na Parola, Kota at Panata sa Kalayaan Municipality ng Palawan. Tinatawag 'yan na Pag-asa Island Cluster.


Ang Pag-asa Island ang pinakamalaki sa cluster na ito na sa kasalukuyan ay hawak at okupado ng ating bansa, at pangalawa sa pinakamalaking isla sa kabuuan ng Kalayaan Island Group o mas kilala sa tawag na Spratlys sa West Philippine Sea.


Tanging ang Pag-asa Island lang sa Spratlys ang okupado ng mga Pinoy at kung makikita n’yo ito, matatanaw natin ang kumikinang na katubigan – napakalinis at talagang maaakit ka sa ganda. Isa ito sa masasabing magagandang destinasyon para sa mga turista.


Sa ngayon, nagsisilbing livelihood na rin ng mga naninirahang Pinoy du’n ang pagdagsa ng mga turista sa lugar, gayundin, mas napapalakas na rin ang Philippine occupation sa mga nabanggit na isla.


Sa ilalim ng ating panukala, lilikhain ang isang Pag-asa Island Ecotourism Cluster Governing Board na bubuuin ng mga opisyal tulad ng gobernador ng Palawan bilang chairman; ang congressman ng First District ng Palawan na tatayo namang co-chairperson; DENR Regional Excutive Director for Region IV-B bilang vice chairperson; DOT Regional Director for Region IV-B bilang co-vice chairperson; ang alkalde ng Municipality of Kalayaan; barangay chairperson ng Pag-asa Island; ang Armed Forces of the Philippines Western Command Chief; magiging miyembro rin ang isang kinatawan mula sa isang non-government organization na ang pangunahing adbokasiya ay ang pangangalaga sa kalikasan; isang miyembro mula sa academe; isang miyembro mula sa business sector at; isang miyembro mula sa pribadong sektor.


Sa ilalim naman ng panukala ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda, ang Senate Bill 238, dahil siya ay tubong Antique, nilalayon niyang ideklarang ecotoursim zone ang Northern Antique Protected Seascape and Landscape na matatagpuan sa mga munisipalidad ng Libertad, Pandan, Sebaste, Culasi at Tibiao, na pawang sakop ng lalawigan ng Antique.


Sakaling maging ecotoursim zone ang mga lugar na ito, makatutulong ito para mas maging maunlad ang probinsya at maaaring maging ecological tourist destinations. Magiging paraan din ito upang kumita ang lalawigan, makalikha ng trabaho para sa mga mamamayan du’n at mapangangalagaan nang husto ang kanilang mga likas na yaman tulad ng mga bakawan, aquatic plants, at mga ibon, mapa-migratory or local birds man ang mga ito.


Tungkol naman sa Senate Resolution 472 na inihain pa rin natin, ang layunin natin dito ay linangin ang Pilipinas bilang pangunahing bansa sa buong mundo na magkakaroon ng sustainable nature-based tourism o NBT. Kapag sinabing NBT, sakop nito ang mga aktibidad na may kinalaman sa natural attractions tulad ng bird watching, kayaking, beachcombing, tours, fishing at hiking. Mga aktibidad na madalas ay ginagawa ng hobby ng mga kababayan natin at ng mga turista.


Sabi nga ng United Nations Environment Programme Convention on Biological Diversity, ang nagpalalakas sa tourism industry ng isang bansa ay ang biodiversity nito. Kumbaga, malaki ang ambag nito para mas mapangalagaan ang ating tropical forests, karagatan at ang mga national parks, na kadalasan ay kinagigiliwan ng mga dayunan at lokal na turista.


Ang Senate Bill 1615 naman na inihain pa rin natin ay nagsusulong na gawing birthplace of surfing in the Philippines ang bayan ng Baler sa lalawigan ng Aurora. Ang panukala nating ito ay counterpart bill ni Aurora Cong. Rommel Rico Angara na House Bill 5961 na naglalayon ng kaparehong proposisyon, at kikilala sa Baler bilang pinakamatagal nang local surfing community sa bansa.


Base sa kasaysayan ng Pilipinas, matagal nang dinaragsa ng mga turista ang aming lalawigan ng Baler upang mag-surf dahil sa gandang angkin ng mga karagatan nito na talaga namang swak na swak sa panlasa ng mga surfer.


Noong 1970, sumikat ang aming lalawigan nang maging bahagi ito ng iconic movie na ‘Apocalypse Now’ ng Amerikanong direktor na si Francis Ford Coppola.


Napakaganda ng aming lalawigan ng Aurora kaya malaking bagay na ito ay maging sentro rin ng interes ng mga turistang lokal at dayuhan, lalo na ang mga may masidhing hilig sa surfing.



 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Kommentare


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page