ni Eli San Miguel - Trainee @News | October 31, 2023
Libu-libong biyahero ang dumagsa nang maaga sa mga pantalan sa bisperas ng Undas o All Saints' Day and All Souls' Day ngayong taon, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Inaasahan na dadalaw ang mga biyaherong ito sa kanilang mga yumaong kamag-anak sa mga sementeryo o magbabakasyon.
Batay sa tala ng PCG mula alas-6 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali ngayong Martes, mayroong 46,856 pasaherong papalabas at 38,008 papasok sa lahat ng mga pantalan sa buong bansa.
Idinagdag pa nito na libu-libong kawani ng PCG ang nag-iinspeksyon hanggang ngayon sa 258 na mga barko at 202 na mga motorbanca.
Ayon sa PCG, magtatagal ang "heightened alert" sa kanilang mga district, station, at sub-station hanggang Nobyembre 6 para maisaayos ang pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan.
Para sa mga katanungan tungkol sa mga sea travel protocol sa panahon ng Undas 2023, maaaring makipag-ugnayan ang publiko sa PCG sa kanilang opisyal na Facebook page o sa Coast Guard Public Affairs (0927-560-7729).
Hozzászólások