top of page
Search
BULGAR

Mga paluging ibinebentang sibuyas, bilhin na ng gobyerno; onion farmers, ayudahan ng cold storage

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | April 13, 2022


Nakakaalarma na sa gitna ng matinding dagok ng mataas na presyo ng gasolina, presyo ng mga bilihin at pandemya, heto naman ngayon ang panibagong kinakaharap nating problema.


Palugi nang ibinebenta ang mga sibuyas ng ating mga magsasaka sa Occidental Mindoro, Central at Northern Luzon, at iba pang mga lugar sa ating bansa.


Umaaray ang ating onion farmers dahil sa bumagsak na sa P6 kada kilo ang presyo ng lokal na sibuyas. Angal nila eh kakumpetensya kasi ng mga imported na sibuyas ang kanilang lokal na ani.


Aminado si Mayor Romulo Festin ng San Jose, Occidental Mindoro na nakaimbak na lang talaga ang mga lokal na sibuyas at wala na halos bumibili o 'di na maibenta pa at pinag-iisipan na nilang magdeklara ng State of Calamity sa kanilang lalawigan. Nasa 17 barangay sa kanilang lugar ang apektado ng bagsak na presyo ng sibuyas.


Problema pa, walang sariling imbakan o cold storage ang mga magsisibuyas dahil wala silang sapat na pera.


Para mabenta ang mga inaning sibuyas, nakikipagtawaran na sila sa mga 'barat' na 'trader' na may sariling mga 'cold storage' para mabenta lang ang kanilang mga sibuyas.

Talagang aasa to the max na lang sila na mabilhan ng mga trader lalo na't wala silang sariling mga sasakyan o walang panggastos para sa maghahatid ng mga inaning sibuyas direkta sa mga palengke at iba't iba pang karatig lalawigan na puwede nilang suplayan nito.


Bukod d'yan, problemado rin sila sa pananalasa ng mga insekto sa mga taniman ng sibuyas na halos hindi na rin nila naaani dahil sa wala silang mapag-imbakan!

Santisima, samut-sari ang problema ng ating onion farmers, paano na lang sila?


Kawawa!


IMEEsolusyon natin tugunan ang hinaing ng mga lokal na lider na bigyan ng mga cold storage facilities ang mga magsasaka para 'di mabulok ang kanilang ani. Plis, Secretary Dar, simulan na natin sa ating mga magsisibuyas.


IMEEsolusyon din na mismong gobyerno na ang bumili sa kanila ng mga sibuyas at 'wag nang ipadaan pa sa ilang mga ganid na trader na nagagawa pang magsamantala sa mga lugmok nang magsisibuyas!


Ikatlo, ang 'UNLI' nating pakiusap sa Department of Agriculture, na plis rendahan n'yo naman ang importasyon ng mga agri-products. Harangin ang mga sobra-sobrang pag-aangkat ng mga agri-products na tulad ng sibuyas! Sa ngayon nakikita natin na 'di na kailangan ngayon ng onion importation!


Sang-ayon ako sa ilang nasa LGUs na nagsabing isang uri ng pananabotahe sa ating ekonomiya ang sobra-sobrang importasyon ng mga produktong pang-agrikultura, na pumapatay sa mga lokal nating mga produkto.


Agapan na natin ang pagbibigay-ayuda sa ating mga onion farmers at iba pang magsasaka. Kung may paghuhugutan pa naman ng pondo, Secretary Dar, baka puwedeng gora na sa direktang pagbili ng gobyerno sa mga produkto at gobyerno na rin ang magbenta nito sa mga pale-palengke, di bah?!

0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page