ni Ronalyn Seminiano Reonico | February 28, 2021
Isasara tuwing Lunes ang mga palengke at groceries sa Navotas upang makapagsagawa ng general cleaning at disinfection dahil sa pagdami ng kaso ng COVID-19, ayon kay Mayor Toby Tiangco.
Saad ni Tiangco sa kanyang Facebook post, “February 6 nang magtala tayo ng 33 active cases sa ating lungsod, pinakamababa ngayong 2021. Ngunit pagkatapos nito, dire-diretso na ang pagdami ng mga nahawahan.
“Kahapon lang, 99 ang nakumpirmang nagpositibo. Ito na ang pinakamataas na bilang ng mga nadagdag na kaso ngayong taon. Ayon pa nga sa ating City Epidemiology Surveillance Unit, tumaas ng 349% ang mga kaso sa ating lungsod.”
Nanawagan din si Tiangco sa kanyang mga nasasakupan na makiisa sa mga ipinatutupad na polisiya sa kanilang lugar at sundin ang mga health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Aniya pa, “Kahit malakas po tayo at hindi natin iindahin kung magkaroon man tayo ng COVID-19, paano naman po ang iba na mahihina ang katawan at maaaring mamatay dahil sa sakit na ito?”
Comments