top of page
Search
BULGAR

Mga pakulo sa socmed, terible, ‘wag basta papatulan

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Abril 5, 2024



Sa lahat ng mga gumagawa ng pakulo sa social media para lamang mapansin, aba’y pakaisipin ang mga ordinaryong Pilipino na hindi dapat kailanman maagrabyado, madehado at maloko. 


Kung hindi pa sumambulat ang galit at panlalait ng netizens ay baka hindi pa natauhan itong Taragis Takoyaki, na gumawa ng ingay sa social media noong April Fools Day na siya namang inosenteng sinakyan ng isang nakabasang tatay na nangangailangan ng pantustos para sa kanyang mga anak. 


Nagpa-tattoo ng logo ng Taragis sa noo ang nasabing tatay para makamit ang P100,000 na gantimpala diumano ng kumpanya sa mauunang magpapa-tattoo nito. Ngunit ito ay isang prank lamang pala para sa April Fools’ Day. 


Put**gis ang sagot ng Taragis na maging paalala raw sa lahat ang nangyari kung gaano kahalaga ang “reading comprehension”! Na wala raw silang pananagutan sa mga naganap kung saan may sumeryoso sa gimmick nila! Terible sa kawalan ng awa at malasakit. 


Pero matapos ang tinamong sandamakmak na birada, sukdulang galit at bantang boycott sa kumpanya, biglang nag-iba ang ihip ng hangin at binigyan na rin ng Taragis ng inaasam na P100,000 ang tatay na nagpa-tattoo ng Taragis logo sa noo. 


Marami ring nahabag sa tatay na ang isa palang anak ay may Down Syndrome at nagbigay rin sila ng kani-kanilang donasyon sa pamilya. Bumuhos ang suporta ng netizens na nagpamalas ng malawakan at sinserong pagdamay sa kaawa-awang tatay. 


Kinokondena natin ang hindi na dapat maulit na ganitong mga delikado at walang malasakit na pagpapapansin sa social media. Alam naman natin na maraming bulnerableng Pilipino ang maaaring mahulog sa bitag nito nang walang kamalay-malay, lalo na ang mga kinakapos at kulang sa panggastos para sa pang-araw-araw na pangangailangan. 


Batid naman natin na hindi na madalas nagagawang basahin nang buo ng mga pangkaraniwan nating mga kababayan ang posts sa social media kahit pa may mga nakalagay doon na paalala, dala na rin ng kawalan ng kasanayan o kabihasaan sa mga ganoong bagay. 


Hindi kailanman dapat gawing laro ang pagpapagawa ng mga bagay na may permanenteng masamang epekto sa ating mga kababayan, na tila pantutuhog sa kanila sa ngalan ng kasikatan na kalaunan ay kasiraan sa gitna ng kamalian. 


Alam rin nating hindi naman lahat ng legal ay moral, na kahit pa sabihing walang batas na nalabag, kapag may nagmistulang nauto at nakawawa sa gitna ng isang promosyon o gimmick gaya ng tatay na nagpa-tattoo sa noo, ay konsensya at pagka-makatao ang dapat umiral. 


Mag-isip-isip muna bago magpabida. Lalo nang huwag maghugas-kamay kapag may nadamay sa kalokohang ginawa sa ngalan ng katuwaan. Totoo ang hirap at pasakit na sinasapit ng ordinaryong Pilipino at kailanman ay huwag itong isakripisyo. Asintaduhin ang pagmamalasakit sa taumbayan!



 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page