top of page
Search
BULGAR

Mga pahirap sa komyuter, mas dapat tutukan kaysa paghiwalay ng mga bakunado at hindi

ni Ryan Sison - @Boses | July 25, 2021



Dahil sa patuloy na banta ng Delta variant sa bansa, isinusulong ng isang opisyal ang hiwalay na public bus sa mga bakunado.


Giit ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion, inaasahan din na lalo pang darami ang mga manggagawa habang niluluwagan ang quarantine protocols.


Pabor dito ang Provincial Bus Operators Association of the Philippines, pero dapat umanong mabakunahan muna ang mayorya ng mga drayber at kondoktor.


Gayunman, bukas sa ideya ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), pero hindi pa umano nakararating sa kanila ang pormal na hiling ng opisyal. Dagdag pa ng ahensiya, maganda ang objective, pero kailangang pag-aralan kung paano ipatutupad, lalo na sa mga bus route.


Hindi pa man naipatutupad, tulad ng inaasahan ay marami na agad pumalag at nagpahayag ng kani-kanilang opinyon. Giit ng iba, ayos lang na ihiwalay na ang mga bakunado sa pampublikong transportasyon, pero dapat puwede nang may katabi. Naniniwala naman ang iba na magiging ugat lang ito ng diskriminasyon sa mga walang access sa bakuna. Isa pa, kinuwestiyon din kung paano mabeberipika kung talagang bakunado ang biyahero.


Dagdag pa rito, paano kung hindi ang taumbayan ang may dahilan kung bakit marami pang hindi nababakunahan? ‘Yung iba sa kanila, gusto nang magpabakuna, pero dahil sa kakulangan ng suplay, tengga muna at nakikipagsapalaran sa bagsik ng virus.


Sa totoo lang, masyado pang maaga para sa ganitong panukala. Kaya imbes na tutukan ito, magpokus muna tayo sa mga kasalukuyang problema.


Matatandaang kamakailan ay dumaraing pa rin ang mga komyuter dahil sa kakulangan ng pampublikong sasakyan. Kaya kung ipatutupad ang hiwalay na sasakyan para sa mga bakunado at hindi, sasapat ba ang mga ito?


Panawagan natin sa mga kinauukulan, pag-aralan kung talagang uubra ito at kung ipatutupad, tiyaking handa ang lahat, lalong-lalo na ang taumbayan.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page