top of page
Search
BULGAR

Mga pagkaing may fiber, gamot sa almoranas

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | April 18, 2021



Dear Doc. Shane,


Pahirap sa araw-araw kong gawain ang aking almoranas na madalas dumurugo kapag nagko-constipate ako. May gamot ba na dapat inumin para mawala ito? – Imelda


Sagot


Ang almoranas o hemorrhoids ay namamagang mga ugat sa palibot ng butas ng puwit. Ayon sa pag-aaral, karamihan sa mga taong may edad 50 pataas ang may sakit na almoranas.


Bagama’t ang almoranas ay napakasakit, hindi ito nakamamatay at kadalasang nawawala kahit hindi gamutin. Kung palaging sumusumpong ang almoranas, baka magkaroon ng mga sintomas ng anemia tulad ng panghihina at pamumutla ng balat dulot ng pagkawala ng dugo.

Ang sanhi ng almoranas ay hindi pa lubusang natutuklasan, pero narito ang ilang salik na maaaring magpalala ng almoranas:


· Labis na pag-iri kapag nagbabawas

· Pagkakaroon ng pangmatagalang kahirapan sa pagdumi

· Pag-upo sa inidoro nang matagal na panahon


Kung ikaw ay buntis, malamang na magkaroon ka ng almoranas. Kapag ang bahay-bata ay lumaki, itinutulak nito ang mga ugat sa colon kaya ito ay lumalaki na parang bukol sa puwit.

Ang paggamot sa almoranas ay maaaring isagawa sa bahay o sa klinika.


Para mabawasan ang pananakit, maaaring ibabad ang iyong puwit sa palangganang may maligamgam na tubig sa loob ng 10 minuto. Maaari ring maglagay ng maligamgam na tubig sa bote upang gawing hot compress.


Gayunman, kung nakaaabala na ang almoranas sa iyong pang-araw-araw na gawain, makabubuti kung magpupunta na sa doktor upang madali itong maeksamin at maresetahan ng kaukulang gamot tulad ng suppository, ointment o cream para mawala ang sakit at pangangati nito.


Maaari ring isama sa paggamot sa almoranas ang pagkonsumo ng mga pagkaing mayaman sa fiber. Ang pagkain ng ganitong mga pagkain ay maaaring makabawas sa panganib na magkaroon ulit ng almoranas sa hinaharap. Makatutulong ito upang malinis ang bituka, palalambutin din nito ang iyong dumi kaya madali itong mailalabas.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page