top of page
Search
BULGAR

Mga pagkaing dapat iwasan upang hindi tumaas ang uric acid

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | July 28, 2020



Dear Doc. Shane,


Palaging namamaga ang hinlalaki ko sa paa gawa ng aking uric acid. Ano ba ang mga pagkain na dapat kong iwasan? – Anselmo


Sagot


Ang madalas at sobrang pagkonsumo ng mga pagkain at inumin na mataas sa uric acid ay hindi makakabuti sa kalusugan ng tao. Kaya mainam na iwasan ang pagkain ng mga laman loob ng hayop na nagtataglay ng pinakamataas na level ng uric acid.


May ilang seafood na mataas sa uric acid at dapat iwasan ng mga taong nakararanas na ng side-effects nito tulad ng mga dilis, tuyo at sardinas na nasa tomato sauce, gayundin ang lobster, scallops at hipon.


Ang mga gulay naman ay may mga buto na tinatawag ding lentils o legumes ay kabilang sa mga nagdudulot ng uric acid kung madalas ang pagkonsumo ng mga ito. At kabilang sa hanay na ito ang mga nuts at beans.


Kaya mainam na ipalit sa regular diet ang mga nagtataglay ng mataas na level ng magnesium at nagtataglay ng mas mababang level ng calcium upang mapababa ang uric acid build up sa dugo ng pasyente. Ang ilang halimbawa ng pagkaing mayaman sa magnesium ay ang mais, patatas at avocado.


Kabilang ang mga pagkaing may sangkap na yeast sa dapat iwasan ng mga taong may mataas na uric acid at ilang halimbawa nito ay ang mga tinapay na may pampa-alsa, inuming dumaan sa fermentation tulad ng beer, wine at iba pang alcoholic beverages.


Maging ang mga kape na galing sa coffee beans ay pinagmumulan din ng uric acid gayundin ang oatmeal, taho at tofu na pawang galing sa mga beans.


Ang normal values ng uric acid sa dugo para sa mga babae ay mula 2.4 hanggang 6.0 miligrams per deciliter at para sa mga lalaki ay mula 3.4 hanggang 7.0 milligrams per deciliter.


Sa panahong lumagpas na sa acceptable levels ang uric acid sa dugo ay maari na itong magdulot ng problemang pangkalusugan, tulad ng gout, metabolic acidosis o ang pagbaba ng alkalinity sa dugo, lead poisoning, leukemia, toxemia o impeksiyon sa dugo at renal disease tulad ng kidney stones at kidney cysts na kapag hindi naagapan ay maaring mauwi sa kidney failure.


Karaniwan ng natutunaw ang uric acid sa dugo, dumadaloy sa kidneys at inilalabas ng katawan sa pag-ihi. Subalit kapag dumami ang accumulation ng uric acid at hindi nailabas ng katawan ay nagreresulta ito sa kondisyon na tinatawag na hyperuricemia.


Maipapayo nating ang magpatingin sa doktor at magpa-test para sa uric acid.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page