ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | March 11, 2021
Dear Doc. Shane,
Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol sa tamang dami ng calcium na kailangan ng katawan? – Patty
Sagot
Ang calcium ay mahalagang mineral na kinakailangan ng katawan sapagkat ito ang responsable sa pagpapanatiling matibay ng ating mga buto at ngipin. Tumutulong din ito sa maayos na paggana ng puso, nerves at pagproseso ng blood clotting.
Mahalaga ang calcium lalo na sa mga taong apektado ng mga sakit na tulad ng osteoporosis o ang pagrupok ng mga buto, at rickets o ang paglambot ng buto.
Gaano karaming calcium ang kinakailangan ng ating katawan sa araw-araw?
Ang aprubadong dami ng calcium na kinakailangan ng taong may sapat na gulang sa bawat araw ay 1000mg o isang gramo. Ngunit ito ay maaaring magbago depende sa edad at kondisyon ng katawan. Halimbawa, sa batang nasa edad 9 hanggang 13 kung kailan lumalaki at tumatangkad ang pangangatawan, 1300mg ang rekomendadong dami ng calcium. Sa matatanda naman na karaniwang nakararanas ng osteoporosis, 1200mg ang kailangan.
Ano ang posibleng mangyari kapag sumobra sa calcium?
Ang taong may sapat na gulang ay maaari lamang kumonsumo ng hanggang 2500mg calcium. Anumang sobra ay maaaring magdulot ng hindi maganda katulad ng ss: maaaring magkaroon ng constipation o matigas na pagtae, pakiramdam na mabigat sa tiyan o bloated. Nakasasama rin ang calcium sa mga taong may kondisyon na hypercalcemia o ang pagkakaroon ng sobrang calcium sa dugo. Tinuturo rin na nakapagpapataas ng posibilidad ng atake sa puso ang sobrang calcium.
Ano naman ang posibleng mangyari kapag kulang sa calcium?
Ang kakulangan ng calcium sa katawan ay maaaring magdulot ng panginginig at pamamanhid ng mga daliri, pamumulikat, kombulsiyon at abnormal na ritmo ng puso. Kung mapababayaan at nakamamatay ang kakulangan sa calcium. Maaari rin magdulot ng osteoporosis o pagrupok ng buto kung tumagal ang kakulangan ng calcium.
Narito ang mga pagkaing mayaman sa calcium:
Gatas. Alam ng karamihan na ito ang pangunahin pinagmumulan calcium. Ang isang tasa ng gatas ay maaaring maglaman ng hanggang 250 mg calcium.
Berde at madahong gulay. Mayaman din sa calcium ang mga berde at madadahong gulay tulad ng kale at arugula. Ang isang kainan nito ay mayroong 100mg na calcium.
Salmon. Ito ay nagtataglay ng hanggang 180mg calcium sa isang kainan.
Tokwa. Ito ay nakukuha mula sa prinosesong soybeans. Ang kalahating tasa ng tokwa ay mayroong 253mg calcium.
Yogurt. Ang gatas na pinroseso ay maaaring maglaman ng 415mg calcium.
Keso. Isa ring produkto na maaaring makuha sa pinrosesong gatas ay ang keso. Maaaring makakuha ng hanggang 330mg na calcium mula rito.
Broccoli. Bukod sa mga bitamina, mayroon din itong calcium. Umaabot sa 21mg calcium ang kalahating tasa nito.
Soymilk. Ang gatas na nakukuha mula sa soy ay nakukunan din ng calcium. Makakakuha ng hanggang 300mg calcium mula rito.
Almonds. Ang 30mg nito ay mayroong 75mg calcium.
Sardinas. Ito ay naglalaman ng halos 250mg calcium.
Comentários