ni Ryan Sison - @Boses | August 12, 2021
Kahapon nagsimula ang distribusyon ng tulong-pinansiyal ng gobyerno sa mga residenteng apektado ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila.
Gayunman, bago ang nakatakdang pamamahagi ng ayuda, isang mayor ng Metro Manila ang tinanggalan ng kapangyarihan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamahagi ng tulong-pinansiyal.
Ayon sa Pangulo, ito ay dahil bigo ang naturang mayor na magsagawa ng maayos na pamamahagi ng ayuda at bagama’t hindi pinangalanan ang alkalde o lugar na pinamumunuan nito, inatasan niya ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Social Welfare and Development na mag-takeover at pangasiwaan ang pamamahagi ng ayuda.
Lahat aniya ng tulong ng pamahalaan na ibibigay sa naturang lungsod ay pangangasiwaan na ng DILG at DSWD.
Gayunman, nakahanda umano DILG na saluhin ang trabahong ito dahil sa utos ng Pangulo. Bagama’t wala pang abiso, bibigyan umano ng ahensiya ng pagkakataon na ipagpatuloy ang pamamahagi ng ayuda.
Kung tutuusin, ilang beses nang ginawa ng nasyonal at lokal na pamahalaan ang pamamahagi ng ayuda sa mahihirap na pamilya, kaya utang na loob, sana ay wala nang aberya.
Matatandaang noong mga nakaraang lockdown, talagang buwis-buhay ang mga residente para lang matanggap ang tulong-pinansiyal. Umabot pa sa punto na wala nang social distancing at magkakapalitan na ng mukha ang mga residente at tila nakalimutang may virus.
Sa pagkakataong ito, hangad nating maging mas maayos na ang distribusyon ng ayuda at ang lahat ng benepisaryo at dapat makatanggap.
Hindi naman natin nilalahat, pero may ilan talagang dedma sa sitwasyon ng nasasakupan. Kaya kayong mga opisyal na wa’ paki sa inyong mga residente, tama na ang pagpapanggap. Umalis kayo sa puwesto at hayaang mamuno ang mga tunay na may ‘K’ sa puwesto.
At habang hindi pa tapos ang inyong termino, hayaan muna ang ahensiya ng gobyerno ang mamahala sa distribusyon ng ayuda.
Gayunman, pakiusap natin sa DILG at DSWD, ‘wag nating biguin ang taumbayan. Kung palpak ang lokal na pamahalaan na mamahagi ng tulong-pinansiyal, nawa’y maging maayos ang lahat sa inyong pangangasiwa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments