ni Judith Sto. Domingo @Asintado | December 27, 2023
Bago magpalit ang taon, itala na natin ang mga bagay na mahalagang maisagawa natin sa 2024 tulad ng mga sumusunod:
Huwag nating kalimutang pasalamatan ang mga taong umalalay at tumulong sa atin para makaraos sa kasalukuyang taon. Sabihin natin sa kanila kung gaano natin sila pinahahalagahan at iparamdam natin sa kanila ang ating sinserong pagtanaw ng utang na loob.
Maglaan tayo ng panahon para sa mga bagay na gusto nating matutunan sa darating na Bagong Taon tulad ng bagong pagkakakitaan, kakayanan, kaalaman o wika na makadaragdag sa ating abilidad na kumita ng mas malaki.
Magbasa ng isang libro na makatutulong sa ating personal na pag-unlad sa pagsisimula ng taong darating.
Maghanap at manood online ng mga turo at gabay mula sa bihasang life coach para maiangat ang pagkatao at mapagtagumpayan ang mga hamon sa buhay.
Maghanap ng mga scholarship sa ibang bansa o dito sa Pilipinas na maaaring maaplayan para lumawak ang perspektibo sa tinatahak na karera at matutunan ang pandaigdigang sistema at standard.
Magpatingin sa doktor at magpa-blood test at iba pang kinakailangang pagsusuring medikal.
Huwag kaligtaang magbayad ng mga sinisingil ng gobyerno bago o sa takdang araw para hindi mapatawan ng multa.
Kung mayroong maliit na negosyo na nakarehistro sa pamahalaan, huwag kalimutang isumite ang mga dokumentong kinakailangan sa atin ng Bureau of Internal Revenue, pati na ang buwis na kailangang bayaran bago o sa itinakdang araw para hindi mapatawan ng multa. Gayundin ang mga rekwisitos ng iba pang sangay ng pamahalaan.
Kung may pag-aaring real property, bayaran ang amilyar o real property tax na dapat bayaran tuwing unang araw ng taon sa lokal na pamahalaang sumasakop dito. Huwag hayaang magkaroon ng multa ang amilyar na ipinapataw kapag lampas na sa itinakdang panahon. Habulin ang panahong may diskwento ito. Ang hindi pagbabayad ng amilyar ay maaaring kalaunan ay maging dahilan ng lokal na pamahalaan para kunin o bawiin ang ating pag-aari.
Kung tayo naman ay nangungupahan, makipag-usap tayo sa may-ari o lessor kung may kailangang kumpunihin at ayusin sa paupahan na maaaring maglagay ng kanyang ari-arian sa peligro para makipagtulungan sa kanya at maiparamdam natin na tayo ay may malasakit bilang nanunuluyan. Maaaring ito rin ang magligtas sa ating buhay.
Huwag kaligtaang tapusin ang mga mabubuting nasimulan na kahit sa pamamagitan ng paunti-unting hakbang tungo sa progreso.
***
Samantala, ipinaparating natin ang aking taos-pusong pasasalamat sa masugid nating mga mambabasa na hindi lumiliban sa pagtangkilik ng ating panulat. Kabilang na rito si Atty. Jose “Pepe” Oliveros ng Las Piñas City na walang sawang nagpapahayag ng kanyang mga komento sa ating kolum. Hinahangad natin ang kanyang mabilis na paggaling mula sa kanyang operasyon sa kanyang mga mata kamakailan. Pasasalamat din kay Ochie Clemente ng Obando, Bulacan na laging tumatangkilik sa ating mga panulat at nagpapahatid ng kanyang mga reaksyon tungkol sa ating mga paksa. Muli, nag-uumapaw na pasasalamat
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Commenti