ni Jasmin Joy Evangelista | December 1, 2021
Naghahanda na ang mga ospital sa Pilipinas sakaling makapasok sa bansa ang Omicron variant ng COVID-19.
Sa San Lazaro Hospital sa Maynila, nag-iimbentaryo na ng mga personal protective equipment (PPE) para sa mga health worker at gamot para sa mga pasyente.
"First [preparation] is the inventory of PPEs and anti-viral drugs like remdesivir and tocilizumab. We now have more time to prepare for it and have stocks of medications," ani Dr. Rontgene Solante.
Aniya pa, malaking tulong din ang booster shot para sa mga health workers upang mabigyan sila ng dagdag na proteksiyon laban sa variant.
Ayon naman sa Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI), walang gaanong pagbabago sa paghahanda ng mga pribadong ospital.
Ang problema nga lang ay ang kakulangan sa health workers.
"Sa hospitals, ang limitation namin ngayon ay ang number of nurses. But right now, tumigil until the end of the year, baka next year na ulit magkakaroon ng mga resignations," ani PHAPI President Jose Rene de Grano.
Ayon naman sa Department of Health (DOH), bukod sa border control, mahalaga ring paigtingin ang COVID-19 testing at agarang isolation ng mga nagpopositibo sa sakit.
Patuloy ang paalala ng mga eksperto sa publiko na sundin ang health protocols at magpabakuna upang maiwasan ang pagpopositibo sa COVID-19.
Comments