top of page
Search
BULGAR

Mga ospital, ‘di puwedeng maparalisa

ni Ryan Sison - @Boses | October 09, 2021



Bukod sa pagbitiw sa puwesto ng mga health workers, ang isa pang ikinababahala ng medical professionals ay ang pagkaparalisa ng mga ospital sa bansa.


Ito ay kung magtutuluy-tuloy ang pagre-resign ng healthcare workers tulad ng mga nurse.


Ayon kay Dr. Jose Rene de Grano, pangulo ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAPI), nagre-resign ang ilang healthcare workers para magtrabaho sa abroad na may mas malaking alok ng sahod, na hindi naman kayang tapatan ng mga ospital sa Pilipinas.


Sa tingin aniya, ang iba ay naghihintay na lang ng ticket papuntang abroad. At pagtaya nito, pagkalipas ng anim na buwan, talagang halos mapa-paralyze ang mga ospital dahil sa kakulangan ng medical frontliners dahil bukod pa sa mga nag-resign, may mga healthcare workers din na tinatamaan ng sakit.


Ramdam na ramdam umano ang kakulangan sa manpower sa tuwing magdedeklara ng full capacity ang mga ospital. At depende umano sa dami ng available health workers ng ospital kung magdedeklara silang puno. Kaya kung kaunti ang healthcare workers at kahit may bakanteng mga kama, sasabihin ng mga ospital na punuan pa rin.


Ang nakikita nitong problema ay ang kakulangan ng registered nurses dahil walang bagong nurses na guma-graduate.


Mataandaang isa rin sa mga dahilan ng pagbibitiw sa puwesto ng health workers ay ang naantalang pagbibigay ng ipinangako sa kanilang benepisyo.


Dahil sa pandemya, naunawaan natin ang kahalagahan ng healthcare system at nakita natin ang sitwasyon nito sa bansa. Kaya kung mapaparalisa ang mga ospital habang hindi pa tuluyang natatapos ang pandemya, malaking problema ito.


Tunay na iba’t ibang hamon ang dala ng pandemya sa atin, partikular sa sektor ng kalusugan. At sa lahat ng hamon na ito, ang pagkaparalisa ng mga pagamutan ang dapat nating pigilan.


Kaya ang tanong natin sa gobyerno, ano nang susunod na hakbang upang mapigilan ito?


Hindi naman sa pagiging nega, pero oras na mangyari ito, panawagan natin sa mga kinauukulan, sana lang ay handa tayo.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Kommentarer


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page