ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | May 18, 2024
Sa mahigit dalawang dekada niya bilang tauhan ng gobyerno, naging miyembro ng Sangguniang Kabataan at ngayo’y kapitan ng Barangay Ipil sa Bongabong, Oriental Mindoro si Kapitana Elsie Osorio. Dahil sa bigat ng kanilang trabaho sa barangay, minsan na raw na-stroke si kapitana. At nito ngang pandemya, dahil sila lang ang
inaasahan ng buong komunidad noong panahon ng lockdown, tinamaan ng COVID-19 si Kap Elsie.
Nitong nakaraang linggo, nakasama ng inyong Senator Kuya Bong Go si Kap. Elsie nang dumalaw ang kanilang grupo sa Senado. Dito niya naikuwento kung paano siya natulungan ng ating isinulong at naisabatas na Malasakit Centers Program sa pagpapagamot. Nais daw niyang maging patunay na napapakinabangan natin ang serbisyong hatid ng Malasakit Centers.
Lubos ang pasasalamat sa atin ni Kap. Elsie. Pero sabi ko sa kanya, ang Malasakit Centers ay para talaga sa mga Pilipino. Pera ito ng taumbayan, ibinabalik lang natin sa mas mabilis at epektibong paraan pagdating sa serbisyong pangkalusugan. At higit sa lahat, sa Panginoon dapat magpasalamat, huwag sa akin, sabi ko pa kay kapitana.
Nakakataba ng puso kapag ako ay naiimbitahan tuwing may pagtitipon ang mga Liga ng mga Barangay (LNB) sa iba’t ibang sulok ng bansa. Isa lamang ang lagi kong mensahe sa ating mahuhusay na barangay officials: mataas at malaki ang respeto ko sa kanila. Kaya unahin nila palagi ang kapakanan ng mga mahihirap nating kababayan. Tiyak na hindi sila riyan magkakamali.
Magkaiba man kami ng posisyon, pare-pareho kaming mga lingkod bayan. Sinumpaang tungkulin namin ang magserbisyo sa mga tao at panatilihin ang kaayusan sa komunidad. Ang pakiusap ko sa kanila, panatilihin ang pagiging tapat sa tungkulin upang manatili ring buo ang tiwala ng taumbayan sa kanila at sa mga nasa pamahalaan.
Sa parte ko, patuloy tayo sa pagsusulong ng mga panukala para masuportahan ang ating mga barangay officials. Isinumite natin sa Senado ang Senate Bill No. 197, o ang Magna Carta for Barangays, na kung maisabatas, ang layunin ay matiyak na makatatanggap sila ng karampatang tulong kabilang ang kanilang suweldo, allowances at iba pang benepisyo para sa mas maayos na pamamahala sa kanilang mga nasasakupan.
Nariyan din ang SBN 427, o ang Barangay Health Workers Act, na kung maging ganap na batas, layuning magkaloob ng karagdagang suporta sa barangay health workers sa pamamagitan ng monthly honorariums, seguridad sa kanilang tungkulin, pagpapayabong ng kanilang kaalaman at pagkakataong mabigyan ng civil service eligibility.
Samantala, hindi man tayo personal na nakapunta sa kanilang mga pagtitipon, nagbigay pa rin tayo ng mensahe at kinumusta ang mga barangay official ng Davao del Norte at Iloilo province sa kanilang mga Liga ng mga Barangay Provincial Congress noong May 15.
At dahil marami pa rin sa ating mga kababayan ang nahaharap sa iba’t ibang krisis, tuluy-tuloy ang ating paghahatid ng serbisyo. Walang malayo o malapit, basta kailangan ang ating serbisyo ay tutulong tayo sa abot ng ating makakaya bilang Mr. Malasakit na ang tanging bisyo ay magserbisyo.
Nasa Pampanga tayo noong May 16 at sinaksihan ang inagurasyon ng bagong Guagua Public Market Building, gayundin ang New Guagua Community College Building and Student Center — na natulungan naman nating mapondohan. Nagbigay din tayo ng tulong sa mga market vendors at estudyante na nandoon kasama sina Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo, Sen. Bato dela Rosa, Gov. Delta Pineda, Mayor Anton Torres at iba pang opisyal.
Personal din nating pinangunahan ang paghahatid ng suporta para sa 500 residente ng Santa Rita na nawalan ng hanapbuhay kasama si Mayor Arthur Salalila at lokal na mga opisyal. Nagkaloob naman ang tanggapan ni former president at Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo ng tulong sa karagdagang 242 benepisyaryo. Ang mga ito ay nabigyan din ng DOLE ng pansamantalang trabaho.
Dumalo rin tayo sa ginanap na Philippine Association of Local Government Accountants 19th Annual National Conference bilang guest of honor at tagapagsalita kung saan pinahalagahan natin ang papel ng mga accountant sa maayos at malinis na pamamalakad sa pamahalaan. Ang okasyon ay idinaos sa Baguio City.
Nasa Baguio City din tayo kahapon, May 17, para sa Senate Committee Hearing ukol sa posibleng pag-amyenda ng ilang economic provisions ng ating Saligang Batas. Idiniin ko roon na anumang panukala o pag-amyenda sa Konstitusyon ay dapat dumaan sa tamang proseso, napag-aralang mabuti nang hindi minamadali, at dapat ang ordinaryong Pilipino lalo na ang mga mahihirap ang makikinabang dito, hindi kaming mga pulitiko.
Sa araw na iyon ay pinangunahan ko rin ang pamamahagi ng tulong sa ilalim ng programang Malasakit Sa Kooperatiba ng Cooperative Development Authority na ating sinuportahang maisulong para sa 94 benepisyaryo na mula sa mga kooperatiba sa Cordillera.
Sa pamumuno naman si Sen. Sonny Angara na chair ng Senate Finance Committee, binisita ng aming tanggapan ang Baguio General Hospital na nabigyan ng karagdagang pondo upang mas mapaganda ang kanilang serbisyong pangkalusugan.
Naisakatuparan ito sa pamamagitan ng ating pakikipagtulungan bilang chair ng Senate Health Committee and vice chair ng Senate Finance Committee. Namahagi naman ang aking Malasakit Team ng tulong sa mga naging biktima ng sunog kabilang ang isang residente ng General Santos City; isa sa Surallah, South Cotabato; at apat sa Belison, Antique.
Naalalayan natin ang mga nawalan ng hanapbuhay kabilang na rito ang 500 sa Macalelon, Quezon, kasama ang mga local official; 44 sa Brgy. UP Village, Quezon City katuwang si Brgy. Captain Virgilio Leo Ferrer; 500 sa Malabon City kasama si Mayor Jeannie Sandoval, at 500 pa katuwang naman si Vice Mayor Bernard dela Cruz.
Nagkaloob din tayo ng dagdag na tulong sa mahihirap nating kababayan gaya ng 949 sa Naguilan kasama si Mayor Juan Capuchino, at 1,000 sa Tumauini kasama si Mayor Venus Bautista, mga lugar sa Isabela; 500 sa Gapan, at 500 sa Nampicuan, mga lugar sa Nueva Ecija katuwang si Cong. GP Padiernos.Nabigyan din natin ng dagdag na suporta ang 48 TESDA scholars sa Dagupan City at San Carlos City, mga lugar sa Pangasinan; at ang 20 TESDA graduates sa Pasig City.
Patuloy tayong magtulungan para mapangalagaan at maiangat ang buhay ng ating mga kapwa Pilipino. Ilapit natin ang serbisyo ng gobyerno sa mga nangangailangan nito. Patuloy din akong magseserbisyo sa inyo dahil bisyo ko ang magserbisyo, at ako ay naniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
コメント