ni Imee Marcos - @Buking | August 19, 2020
Nakakapikon talaga kapag pinag-uusapan ang korupsiyon sa PhilHealth. Nakaka-high blood to the highest level!
Bulok ang sistema nila, mga frennie! Sa paniwala natin, kahit sino pang pinuno ang ilagay d’yan, mauulit at mauulit lang din ang korupsiyon! Eh, noong kongresista ako, 2003 pa lang ay may korupsiyon nang iniimbestigahan sa ahensiya, ilang dekada na ang nakalipas. Hanggang ngayon, iniimbestigahan pa rin. Juicekoday!
Wala na yatang katapusan ang anomalya sa PhilHealth, na hindi na lang simpleng mga namumuno ang dapat na kalusin kundi mismo buong organisasyon na ang dapat linisin! Eh, di ba sabi ni Pangulong Rodrigo Duterte, maliit na korupsiyon nga lang, naamoy na niya, ‘yan pa kayang umaalingasaw?
Kawawa ang pera ng ating mga kababayan na nand’yan sa PhilHealth, nababalahura! Palagi na lang nasasamantala ang reserved fund para pantapal sa mga pekeng claims o bayarin sa mga ospital at ngayong 2020 ang pinamalaki, bilyones ang usapan ibinabayad sa mga fraudulent claims lalo na sa mga probinsiya.
At ang nakakatakot ngayon, pabangkarote na ang PhilHealth at ang pondo nito ay baka tumagal na lamang ng 2021.
Sangkaterbang alingasngas ang meron dito tulad ng sistema ng IT. Bulok na hindi maaayos-ayos ang gulo-gulo kaya kung may korupsiyon hindi mababalikan ang mga rekords, santisima! Hindi tuloy makita na kahit patay na, eh, nakaka-claim pa rin ng benepisyo sa PhilHealth, Grabe!
Ang daming itinatagong mga rekords, labis-labis na payout sa mga pekeng ospital na kinukuha sa reserved fund, hindi pa rin matigil-tigil ‘yan! Kaya dapat maayos ang IT d’yan at maglagay ng app na tutukoy at haharang sa kalokohan sa loob ng ahensiya!
Tsaka sana naman ay magkaroon ng kaunting delicadeza ang mga opisyal d’yan, kaya plis lang ay ‘wag namang kapit-tuko sa puwesto! Mag-leave muna kayo at kung alam ninyong kayo ay guilty, ano ba, mag-resign na!
Comments